Sa Isang Salita: 'Forever' ni Msgr. Noel
21 April 2021
 
Walang hanggang buhay ang pangako ni Hesus. "Hindi ko hahayaang mawala ang mga ibinigay sa akin ng Ama," aniya sa ebanghelyo.

May isang nagtanong: hindi raw kaya nakakainip ang "walang hanggan?" Ang tumigil ka nga lamang sa bahay nang isang linggo nang walang alisan ay 'mabuburyong' ka na. Gaano pa kaya ang buhay na walang hanggan? At paano yung sa dasal na "eternal rest..." para sa yumao, hindi ba sobrang habang pahinga nun?

Pero ito. Ang sabi nung isang matanda, kapag siya raw ay nagtatahi at naggagantsilyo, di siya naiinip; hindi niya namamalayan ang paglipas ng oras dahil gusto o mahal nya ang kanyang ginagawa. Ganito rin sa mga magkasintahan, kahit maghapon na silang magkasama, di pa rin nauumay sa mukha ng isa't isa. Di namamalayan ang paglipas ng oras.

Sa pag-ibig, walang oras, walang hangganan; walang kanina o mamaya, kahapon o bukas, lahat ay ngayon... "Love is the only glimpse we have of eternity." Sa langit, ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan. Sa 'loob' lang ng pag-ibig, may buhay na walang umay. Sa 'labas' nito, may pag-iral pero walang saysay.

At hindi rin naman pala kumpletong pahinga ang "eternal rest." Dahil ang pag-ibig ay isang 'trabaho' ng puso. For 'where there is love, there is no toil' (Augustine). Sa langit, walang pahinga ang pagmamahal ng Diyos.

Ang pagmamahal natin sa kapwa dito sa lupa ay isang sulyap ng 'forever' sa kabila.

*Miyerkules sa Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN