Sa Isang Salita: 'Pastol' ni Msgr. Noel
25 April 2021
 
Ipinagdiriwang natin ang Good Shepherd Sunday ngayong Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay. Sa iba't ibang bahagi ng ebanghelyo hinggil sa Mabuting Pastol, inilalarawan ang katangian ng tunay at tapat na Kristiyanong pamumuno.

"Dinadala tayo sa sariwang pastulan." May pananaw ang lider para sa sambayanan. "To lead without vision is treason." Ginagabayan niya ang kawan sa pagtahak sa tamang landas. Ang tunay na namumuno ay tapat, at hindi lang sikat: may kakayahan at integridad. Hangad niya ang pag-unlad ng buong tao, at hindi lang ng panandalian o materyal na progreso.

"Nag-aalay ng buhay para sa mga tupa." Hindi niya inuuna ang personal na interes. Itinataguyod niya ang kapakanang pangmadla (common good), at hindi lang ang pagkakamal ng yaman at kapangyarihan ng sariling pamilya. Handa siyang magbuwis ng buhay at hindi ang magwaldas ng buwis ng bayan. Huwad ang pastol na ang hangad lang ay bayad at upa.

"Iniiwan ang siyamnapu't siyam para hanapin ang isang nawawala." May paggalang siya sa dangal ng tao, lalo na sa mahihina. Hindi nagmumura at nananakot para masunod ang kagustuhan. Ani Papa Francisco, "a true shepherd smells like his sheep."

Sa harap ng krisis at kagipitan, lumilitaw kung sino sa mga namumuno ang may puso ng tunay na pastol at sino ang upahan lamang.

Ipagpasalamat at ipagdasal natin sa Diyos ang mga frontliners na nag-aalay ng sarili habang naglilingkod sa pagsugpo ng mapaminsalang Covid19.

*Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay. Linggo ng Mabuting Pastol

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN