Sa Isang Salita: 'Apoy' ni Msgr. Noel
23 May 2021
 
Matapos na si Hesus ay umakyat sa langit, ang Espiritu Santo ay bumaba sa mga apostol sa anyo ng mga dilang apoy.

Ang apoy ay sagisag ng presensya. Sa Lumang Tipan, haliging apoy ang nagpahiwatig ng pananatili ng Diyos sa gitna ng kampamento ng mga Israelita doon sa ilang. Sa pagpanaog ng Espiritu sa unang Simbahan, nabigyan tayo ng katiyakang kasama natin ang Diyos hanggang sa wakas ng panahon.

Ang apoy ay sagisag ng paglilinis. Ang ginto ay sinusubok sa apoy upang alisin ang karumihan at lumitaw ang taglay nitong kinang. Ang mga Kristiyano ay pumapailalim sa binyag ng tubig at Espiritu upang linisin sa kanilang kasalanan.

Hinahamon tayo ng Espiritu upang iwaksi ang lumang pamumuhay na ayon sa laman, at mamuhay nang may dangal ayon sa Espiritu. Hayaan nating pugnawin ng Espiritu Santo ang anumang bagay na taliwas sa diwa ni Kristo.

Ang apoy ay sagisag ng alab ng pag-ibig. Ngayong Kapistahan ng Pentekostes, ang huli at ika-50 araw ng Panahon ng Pagkabuhay, pag-alabin natin ang ningas ng apoy ng pag-ibig sa ating mga puso. Ang Espiritu ang Pag-ibig ng Ama at ng Anak. Binibigyan nito tayo ng kakayahang magmahal nang walang kondisyon tulad ng pagmamahal ng Diyos sa atin.

*Linggo ng Pentekostes, Ikalimampu at huling araw ng Panahon ng Pagkabuhay

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN