Sa Isang Salita: 'Gantimpala' ni Msgr. Noel
25 May 2021
 
Ang salitang 'gantimpala' ay nagmula sa pinaiksing "ganting pagpapala." Tiyak na babalik ang pagpapala sa mga mga taong gumagawa ng kabutihan sa kapwa.

Ito ang pangako ni Hesus sa mga nagsasakripisyo at nag-aalay ng sarili para sa Kaharian ng Diyos. Tatanggap sila ng nag-uumapaw na biyaya mula sa langit. Hindi man sa materyal na bagay, ang kanilang buhay ay lalago sa kabanalan at magkakaroon ng kahulugan.

Maging sa karaniwang larangan ng buhay, ang katapatan sa gawain ay nag-aani ng saganang pagpapala. Ito ang nagsisilbing pandayan ng karakter at ng higit na paglago sa pagkatao. Sabi nga, "our good work is itself our reward." Inaani na natin ang "ganting pagpapala" sa bawat kabutihang inihahasik natin sa ating mga gawain.

Ang totoo, higit tayong tumatanggap kaysa nagbibigay sa bawat pagbabahagi natin ng sarili sa iba. Tunay na may nawawala sa ating bagay na makalupa, pero tiyak na tatanggap tayo ng higit pang biyaya - ang makalangit na pagpapala.

*Martes sa Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon.

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN