Sa Isang Salita: 'Dating Normal' ni Msgr. Noel
04 June 2021
 
Isang bagong kamalayan ang hatid ng pagdatal ng Mesias. Higit pa ito sa inaasahan ng mga Judio. Bagamat si Hesus ay mula sa lipi ni David, Siya ay higit pa sa kanyang ninunong si David dahil Siya ay Anak ng Diyos.

Ito ay nagdala sa atin sa isang 'bagong normal', na nagtakda ng mas mataas na antas ng pamantayan ng pamumuhay.

Sa panahong ito ng krisis, napagtanto natin ang ating mga pagkukulang. Inabuso natin ang kalikasan. Pinabayaan natin ang ating kalusugan. Pinagwalang-bahala ang mahalaga sa buhay. Tinalikdan at kinalimutan natin ang bagong normal ng buhay-Kristiyano, ang pamantayan ng ebanghelyo.

Kung may isang mensahe ang Diyos sa pangyayaring ito, ito ay ang panawagang tuklasin ang "dating normal": Magbalik tayo sa buhay na nakasandig sa pamantayan ni Kristo.

*Maging simple. Dapat nating malaman na ang kalabisan ng isa ay maaaring kakulangan ng iba. Ang luho ng ating kinamihasnang paraan ng pagdiriwang ay maaari nang sumagot sa kasalatan ng mga nasa laylayan. Maraming pera ay nalulustay sa mga bagay na di esensyal - o sa palamuti lamang. Wala nang lugar sa ating panahon ang panandaliang saya kapalit ay pangmatagalang dusa.

*Magbahagi. Malimit kaysa hindi, umiikot lamang ang saya at biyaya ng pagsasalo sa iisang angkan at ekslusibong grupo. Ang panahong ito ng salot ay nagtutulak sa atin upang dumamay. Isang insulto sa mga maralita ang gumastos sa marangyang handaan samantalang maraming walang pagkain sa hapag dahil sa nawalan ng hanapbuhay.

*Muling isaayos ang prayoridad. Ang problemang ating kinakaharap ngayon, sabi ni Einstein, ay hindi malulutas kung mananatili tayo sa dating antas ng pag-iisip nang ito ay malikha. Ayon kay Papa Francisco, "less is more." Ang pagkakaroon ng marami ay hindi katiyakan ng buhay na ganap. Bigyang pansin ang kalikasan at kalusugan. Iwaksi ang kultura ng pag-aaksaya. Makibahagi sa malawakang pagsusulong ng sostenable at hindi mapanirang modelo ng pag-unlad.

*Biyernes sa Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon/ World Environment Day

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN