 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Bukal' ni Msgr. Noel |
| 24 March 2020 |
| |
|
"More on substance than on form." Ito ang magandang panuntunan ng pagsamba. Dapat matuon ang ating pansin sa tunay na esensya ng relihiyon at hindi sa mga palamuti lang nito.
"Ano po ang susuutin; ilan po dapat ang kandila; kailangan po bang magbelo; anong kulay ng uniform; kakantahin po ba ang Ama Namin..?" Kung minsan, sa dami ng gimik, drama at seremonyas, nakakaligtaan natin ang tunay na diwa ng pagsamba sa Diyos. Sa gitna ng mga detalye, nawawala ang diwa ng personal na ugnayan sa Diyos.
Sa ebanghelyo, tatlumpu't walong (38) taon naghintay ang isang lumpo sa kanyang paggaling. Halos mawalan na siya ng pag-asa. Napatuon ang kanyang atensyon sa kapangyarihan ng tubig doon sa Betesda.
Subalit nang makatagpo niya si Hesus, naranasan niya ang kagalingan. Ang 38 taon niyang inasam at hinintay, sa isang iglap ay kanyang nakamtan.
Katulad ng lumpo ang mga Judio noon. Matagal silang naghintay. Iniasa nila ang kanilang kaligtasan sa mga ritwal at batas ng relihiyon. Nakaligtaan nila ang tunay na bukal ng kagalingan: si Hesus.
Simple at walang palamuti ang mga misa ngayon dahil sa Covid-19 pandemic. Muli nating tuklasin ang tunay na mahalaga sa ating relihiyon. Tuklasin natin si Kristo, ang bukal ng ating kagalingan at kaligtasan.
*Martes sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|