Sa Isang Salita: 'Tanong' ni Msgr. Noel
12 September 2021
 
'Sino ako para sa inyo?' Kung si Hesus ang magtatanong sa atin nito, ano kaya ang ating isasagot?

Sa ebanghelyo, ang sagot ni Pedro ay hindi lamang isang pahayag. Ito ang nagsilbing 'programa' ng kanyang buhay at misyon. Ipinakita niyang hindi pala sapat ang may 'alam;' kailangan din ang may 'pakialam.'

Kung tunay tayong nananalig, kailangan nating:

1. IPAHAYAG ang ating pinananaligan.

Bawat kalipunan ng tao ay may kanya-kanyang 'lingo,' na sila-sila lang ang nagkakaunawaan. Para maintindihan mo ang kanilang sinasabi, dapat ay "in" o kabilang ka sa kanilang grupo.

Lengguahe ang ekspresyon ng pinakamalalim na nag-uugnay sa tao. Ganito ang Simbahan. Bilang isang komunidad ng pananampalataya, likas sa atin ang magsa-tinig ng pinaghuhugutan ng kanyang kaisahan: ang pananalig kay Cristo.

Wika ng isang teologo, "we do not only speak our language; our language speaks us." Ang ating lengguahe ay nagbubunyag ng ating pagkakakilanlan. Our Faith Confession is the common language that reveals our Christian identity. Isinatinig ni Pedro ang pananalig ng unang Simbahan.

2. ISALOOB ang ating pinananaligan

Bago natin masagot ang mga tanong tungkol sa Diyos, dapat muna nating sagutin ang tanong tungkol sa kahulugan ng buhay. "Man is the question he asks about himself before any question could be asked" (Paul Tillich). Ito ang ilaw at giya sa ating paghahanap. Tulad ng susi, binubuksan ng ating tanong ang kahulugan ni Hesus sa ating buhay.

Paano nga ba si Jesus naging tugon sa pinakamalalim na hinahangad ng ating puso?

3. ISABUHAY at BIGYANG-PAGSAKSI ang ating pinananaligan

Isinasangkot ng taong nananalig ang kanyang buhay sa kanyang ipinapahayag. We implicate ourselves in the faith we profess. Ganito ang tunay na saksi. Handang 'madamay' at magbuwis ng buhay para manindigan sa katotohahan, tulad ni Pedro na namatay sa pagsaksi kay Hesus.

Pero sa kabila ng kasigasigan ng maraming Kristiyano na palaganapin ang relihiyong Cristiano, tayo rin ang nagbibigay ng masamang imahen dito. Ang paggamit sa ngalan ng Diyos sa maling paraan, ang pagmamanipula sa katotohanan, ang paggamit ng kapangyarihan para manakot at magpasunod ay mga uri ng 'pagpapapabulaan' sa mensahe ng ebanghelyo. Sabi ng Vatican II (GS 19): "While we promote the cause of the Kingdom in the doctrinal level, we are nonetheless responsible for the denial of God in the practical level."

Nawa'y hindi lamang tayo manatiling 'professional' Christian, na ang turing sa relihiyon ay trabaho o obligasyon. Tayo ay tinatawag na maging mga 'professing' Christian, na handang manindigan para kay Kristo at sa kanyang aral.

Let us say what we mean and LIVE what we say.

*Ikadalawampu't apat na Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN