 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Eksklusibo' ni Msgr. Noel |
| 26 September 2021 |
| |
|
May isang katoliko ang nagtanong kay Cardinal Tagle: "Pwede po bang magpabinyag? Gusto po namin ay espesyal. Yung walang kasabay." Ang tugon ng Cardinal: "Di ba malungkot kapag tayo-tayo lang? Mas espesyal ang binyag kung marami ang kasabay. Bakit? Sapagkat ang bata ay tatanggapin bilang kaanib ng Simbahan. At natitipong sambayanan ang kumakatawan sa buong Simbahan."
Likas na siguro sa tao ang magtangi. May nagtatayo ng mga grupong eksklusibo sa iba't ibang dahilan. Maaaring magsimula ito nang may banal at kahanga-hangang layunin. Pero sa paglaon, nauuwi ito sa gawì at kaisipang "kami-kami" o "tayo-tayo." Lumilikha ito ng dibisyon sa komunidad. Naa-out of place ang mga karaniwang tao, na itinuturing nilang di kauri.
Noon pa man ay hinarap na ni Hesus ang suliraning ito. Sabi ng kanyang mga alagad: "nakakita po kami ng ibang tao na nagpapalayas ng demonyo na di natin kasamahan... pinagbawalan po namin sila!"
Kay Hesus, walang sinuman ang maaaring magkaroon ng monopoliya sa paggawa ng mabuti. Kaya't ang sagot ni Hesus: "Ang hindi laban sa atin ay panig sa atin." Walang eksklusibong grupo ang maaaring mag-angkin ng kabutihan, kabanalan at kabutihang-loob.
Ang Simbahan ay hindi isang samahan ng mga 'elite.' Ito ay isang pamayanang itinatag ni Hesus para sa lahat. Ang kanyang misyon ay para sa lahat. Bawat binyagan ay pinagkalooban ng Espiritung sumasa-lahat.
Ang kahulugan ng 'Katoliko' ay taliwas sa gaw+ at kaisipang eksklusibo.
*Ikadalawampu't Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|