Lunas ni San Judas
 
LUNAS NI SAN JUDAS

Bless po Father,
   Ako ay mananampalataya na naligaw, inagaw at pinandaw ni San Judas Tadeo.
Bata pa ako ay kinahiligan ko na ang mga sasakyan, marahil ay ito din ang dahilan kung bakit ako ay nalinya sa trabahong pagmamaneho Father. Isa po akong driver at masasabi kong ang Buhay pananampalataya ko ay parang pagmamaneho din sa daan. May mga panahong sumisimba ako ng madalas at nasa tuwid na landas. Subalit, may mga panahon din naman na ako ay nakakalimot at nasasadlak sa mga bakubaku ng aking Buhay.
Nagsimula po akong maging deboto ni San Judas Tadeo noong ako ay binata pa. Dati ay nakikisama lamang ako sa aking kaibigan sa pagsimba pero kalaunan ay kusa na akong pumupunta sa Dambana ni San Judas Tadeo kahit ako ay mag-isa. Sa katunayan nga po Father ay madalas akong magnobena tuwing huwebes.
Subalit naligaw ako ng landas at napasama ako sa mga taong masasabi kong hindi naging mabuting impluwensya sa buhay ko. Nasangkot ako sa isang malaking iskandalo sa aming kumpanya at nagbabadyang matanggal at makulong dahil sa gusot na kinasangkutan ko. Pakiramdam ko po ay parang gusto ko ng mawala sa mundo sa problema at kahihiyan na kinahaharap ko. Natagpuan ko na lamang ang aking sarili Father na naninikluhod kay San Judas Tadeo at nag mamakaawa na tulungan Nya ako. Marahil ay sa habag ni San Judas Tadeo isang himala na parang basta na lang napalis ang aking suliranin Father.
   Sa kabila po ng mga pagpapala na aking natatanggap sa ating Panginoon sa pamamagitan ni San Judas Tadeo ay may mga panahon pa din po na ako ay nagiging marupok at naliligaw ng landas. Nagkaroon po ako ng karelasyon na iba ang relihiyon at dumaan sa buhay ko ang panlalamig. Naagaw ang aking pansin at nag tuloy tuloy na sumama sa pagsimba sa ibang relihiyon. Sekta, na madalas ay taliwas ang mga pinaniniwalaan sa nakagisnan ko tulad ng hindi paniniwala sa mga rebolto at larawan, pag nonobena at kung anu ano pa. Father, akala ko noon ay ayos na ako, may kasama sa buhay at may trabaho na nakakabuhay din naman ng pamilya. Ngunit, muling dumating po ang isang malaking pagsubok sa buhay ko. Nagkaroon ako ng isang malalang karamdaman, nawalan ng trabaho at iniwan ng babaeng akala ko ay makakasama ko na habang buhay. Dumilim ang aking buhay at nakadama ng hindi malirip na kalungkutan Father. Muli, naramdaman ko na lamang na tinatahak ko ang daan pabalik kay San Judas.
Nakakahiya man po pero naglakas loob ako na humingi ng senyales kay San Judas at sinabing& San Judas kung talaga po na pinababalik mo ako ay maari po bang bigyan nyo ako ng isang senyales? Kung mananalo po ako ng imahe ninyo ngayong kapistahan Ninyo ibig sabihin po ay muli nyo akong pinapandaw at tinatawag pabalik. Mahirap mang paniwalaan subalit isa ako sa nanalo ng imahe ni San Hudas sa isinagawang raffle sa Parokya.
Sadyang nakakakilabot Father ang ipinamamalas na kabutihan at himala ng Diyos sa pamamagitan ni San Judas Tadeo. Subalit ako ay palaging maninindigan na kay San Judas Tadeo ang imposible ay possible& sapagkat ang aking buhay ay isang matibay na patunay sa maraming tao na tulad ko na naligaw, inagaw at muling pinandaw ng pagmamahal ni San Judas Tadeo.


Siklestang Mananampalataya







 
   
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN