Sa Isang Salita: 'Tanging Ina' ni Msgr. Noel
25 March 2020
 
Isang anim na taong gulang na bata ang inulila ng mapaminsalang salot. Pitong araw na siyang pauli-uli sa mga lansangan ng bayan; nabubuhay sa pamumulot ng basura at sa tulong ng ibang tao. Nakarating ito sa kaalaman ng isang mag-asawang mayaman. Inampon nila ang bata. Nang isama na nila ang bata sa kanilang bahay, nagulat siya sapagkat sinalubong siya ng isang malaking handaan. Tinanong niya ang mga umampon sa kanya kung anong okasyon. Ang sagot nila: "dahil ngayon ay birthday mo!" Sabi ng bata: "pero hindi po ngayon ang aking kaarawan!" Sumagot ang umampon sa kanya: "sa araw na ito, pinili ka naming maging bahagi ng aming buhay. Pinapasyahan naming tumuloy ka sa aming tahanan. Para sa amin, ito ay iyong kaarawan."

Ang pagiging ina ay hindi lang sa pisikal na kahulugan nito. Ito ay nagaganap sa sandaling akuin at pagpasyahang maging ina para sa bata. Higit na malalim ang ugnayang ispiritwal sapagkat ito ay nakaugat sa pasya ng puso.

Sa Kapistahan ngayon (Marso 25) ng Pagbabalita ng Anghel sa Mahal na Birhen (Solemnity of the Annunciation), ipinahayag ni Maria ang kanyang pasya na tanggapin ang misyon na maging Ina ng Mananakop. Wika ni San Agustin: sa kanyang pagtugon ng "Oo," naunang naging ina si Maria sa ispirituwal na kahulugan nito. Mary's spiritual motherhood precedes that of the physical because she first received the Word in her heart.

Sa sandaling sabihin natin kay Jesus ang ating Oo, pinapayagan natin siyang pumasok sa ating buhay. Nagiging 'ina' tayo ni Hesus at nagkakaroon tayo ng kapangyarihang iluwal siyang muli sa ating lipunan.

Bilang Kristiyano, tinatawag tayo hindi lang upang maging tagapakinig ng Salita (disipulo). Tulad ni Maria, tinatawag tayong maging Ina - upang muling isilang ang Salita, si Hesus, sa ating lipunan.


*Solemnidad ng Pagbabalita ng Anghel kay Maria

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN