Sa Isang Salita: 'Regalo' ni Msgr. Noel
07 October 2021
 
Lahat ba ng humihiling ay nakatatanggap? Lahat ba ng humahanap ay nakatatagpo?

Ang halaga ng isang regalo ay hindi nasusukat sa ganda at kintab ng balot nito. Kung minsan, akala natin ay hindi pa ibinibigay ng Diyos ang ating hinihiling sapagkat nakatuon ang ating pansin sa pambalot. Subalit ang totoo, tinanggap na natin ito - hindi lamang sa hugis at kulay ng pambalot na ating inaasahan.

Tanging Diyos lamang ang nakaaalam ng higit na makabubuti para sa atin. Kung sa tingin natin ay hindi tinutugon ng Diyos ang ating dalangin, marahil ay alam niyang hindi pa handa ang ating puso. Baka maaksaya lamang ang mga biyayang ipagkakaloob Niya kung hindi tayo handang linangin ito.

Maaari rin namang ang ating hinihiling ay hindi angkop sa ating katatayuan at dangal. May inihahanda siyang regalo na mas dakila kaysa ating inaasahan.

Ang Diyos ay ating Ama. Alam na niya ang ating pangangailangan bago pa natin ito hilingin. Makakamtan natin ito sa panahong itinakda niya.

*Huwebes sa Ikadalawampu't Pitong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN