Sa Isang Salita: 'Bisyo' ni Msgr. Noel
08 October 2021
 
Tunay na mahirap kumalas sa masamang gawi. Subalit mas mahirap manatili sa malinis at matuwid na pamumuhay. “Balik sa dating ugali.” Ito ang malimit na kinahuhulugan ng mga taong nagpupumilit magbago.

Sabi ni Hesus sa ebanghelyo: kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, at sa kanyang pagbabalik ay "matagpuan niyang malinis na ang bahay at maayos... lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung masasama kaysa kanya, at papasok sila at maninirahan doon. Kaya’t sumasama kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon.”

Upang maging ganap ang pagbabagong- buhay, hindi sapat ang pagtigil sa paggawa ng masama. Higit na mahalaga ang aktibong paggawa ng mabuti.

"Nature does not tolerate a vacuum.” Hindi dapat iwang hungkag ang puso. Dapat punuin ito ng kabutihan at pagmamahal. Kulang ang pagsisikap na talikdan ang lumang pamumuhay, kailangan ding harapin ang bagong buhay sa Espiritu.

*Biyernes sa Ikadalawampu't Pitong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN