Sa Isang Salita: 'Kulang' ni Msgr. Noel
10 October 2021
 
Mayaman pero malungkot? Di ba 'pag mayaman, laging sapat? At 'pag laging sapat, walang iniisip na problema at laging masaya?

Sa ebanghelyo, ipinakita ang kahungkagan ng buhay na nakasandig sa dami ng pag-aari. Ani Hesus sa mayamang binata, "ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha." Labis na nalungkot ang binata sapagkat siya'y napakayaman.

Sa buhay, ang mga kaloob at biyaya na di natin kayang bitawan ang nagiging sanhi ng ating kalungkutan. Bakit? Sapagkat ang inaakala nating seguridad sa buhay ay nagiging sanhi pala ng ating kaalipinan.

"Ipagbili at ipamahagi." Itinuturo ni Hesus na ang susi sa paglaya ay pagbabahagi at pagdamay. Sa pagtanggi sa sarili, nagiging malaya tayo para sa iba. Sa ating pagtalikod sa bagay, nagkakaroon ng puwang ang Diyos at kapwa sa ating puso.

Kulang ang buhay na hindi handang ialay.

*Ikadalawampu't walong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN