 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Signos' ni Msgr. Noel |
| 11 October 2021 |
| |
|
Noong 2008, isang dokumentaryo hinggil sa banta ng nagbabagong klima ang ipinalabas sa isang TV network. Ang pamagat: 'Signos.' Dito ay ipinakita ang mga palatandaan ng mga darating na kapinsalaan sa buhay at kabuhayan ng tao sanhi ng global warming. Nagpaparamdam na ang kalikasan. Nararanasan na natin ang lahat ng tanda: sobrang init na panahon, sobrang lakas na pag-ulan at flashflood, mapaminsalang bagyo na di pa nararanasan noon. Sa kabila nito, may ayaw pa ring maniwala. "Business as usual," ika nga. Tuloy ang ligaya.
Sa ebanghelyo, tinuligsa ni Hesus ang mga taong naghahanap ng tanda. Sa kabila ng mga pangangaral at kababalaghang ginawa Niya, ayaw pa rin nilang maniwala. Sa katigasan ng puso, tinanggihan nilang kilanlin na si Hesus ang pinakadakilang Tanda ng pagkilos ng Diyos sa kanilang gitna. Dahil sa pagbubulag-bulagan, nalampasan sila ng pagdalaw ng Diyos sa kanilang buhay.
Laganap ang tanda ng presensya ng Diyos sa ating paligid. Nawa'y matuto tayong bumasa ng mga tanda ng panahon. Ayon sa isang teologo, "our contemporary human experience is a valid locus of doing theology." Hindi lamang pala mula sa aklat ng Biblia nagsasalita ang Panginoon. Maging sa aklat ng ating pang-araw-araw na buhay, maaari nating marinig ang tinig ng Diyos.
Sa mga signos na nararanasan natin sa paligid, ipinapaalaala ng Diyos na dapat tayong kumilos. Wala ng puwang upang manahimik at magmasid na lamang sa harap ng napipintong pagkawasak ng ating daigdig.
"Today, if you hear His voice, harden not your hearts."
*Lunes sa Ikadalawampu't Walong Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|