 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Shookt' ni Msgr. Noel |
| 12 October 2021 |
| |
|
May kakaibang pamamaraan ng pagtuturo si Hesus. Nakakagulat. Naliligalig ang mga nasa kapangyarihan. 'Shookt' effect. Sa lingo ng mga millennial, super gulat ang mga nagmamasid.
Tahasan niyang sinalungat ang kinagisnang tradisyon ng kanyang mga ninuno. Nagpagaling siya sa araw ng Sabat para ipakita na mas mahalaga ang tao kaysa batas. Nakisama siya sa mga 'social outcast' para ipadama ang pamamayani ng awa ng Diyos. Hinugasan niya ang paa kanyang alagad para ituro na paglilingkod ang rurok ng pagiging dakila.
'Nilabag' niya ang ilang batas at kostumbre ng Judaismo -- para iwasto at punahin ang kahungkagan ng mga ito.
Sa ebanghelyo, sinadya niyang hindi maghugas ng kamay bago kumain - bagay na taliwas sa hinihingi ng batas ng 'ritual purity.' Habang nasa estado ng pagkagulat ang nag-anyaya sa kanya at ibang panauhin, ipinamukha ni Hesus ang kababawan ng kanilang paniniwala. Hindi nakikita sa panlabas ang tunay na kalinisan ng tao. Anumang linis ng panlabas kung marumi naman ang puso, walang saysay ang mga seremonyas at ritwal ng relihiyon.
"Make a mess," ang hamon ni Papa Francisco sa mga kabataan. Minsan kailangang guluhin ang lumang kaayusan at gulatin ang natutulog na budhi ng lipunan upang manumbalik tayo sa pagkabatid ng tunay na mahalaga sa buhay.
*Martes sa Ikadalawampu't Walong Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|