Taunang Retiro ng mga Kaparian sa Bikariya ni San Pedro
14 October 2021
 
Oktubre 14, ginanap ang ikaapat araw ng Retiro ng mga pari ng bikariya ni San Pedro sa Parokya ng Katedral ni San Fernando, Lucena City. Pinangunahan ni Fr. Merlin Las Piñas, katuwang na Lingkod-pari, ang Banal na Oras at sa loob nito ay nagbigay ng maiksing pagbabahagi si Fr. Ryan Israel Martinez, katuwang din na lingkod-pari, tungkol sa kanyang buhay-pagtugon sa bokasyon ng pagpapari kung paano siya inakay ng Diyos sa iba't ibang pagkakataon ng "conversion" na naganap sa kanyang buhay noong siya ay seminarista pa at maging ngayong siya ay pari na. Sinundan ito ng mayamang pagninilay, na ibinahagi din ang kwento ng bokasyon sa pagpapari, nina Rev. Msgr. Antonio Obeña at Rev. Fr. Raphael Tolentino, kung paano sila tinawag at hinirang ng Diyos bilang pari sa kabila ng pagiging hindi karapat-dapat.

Ayon kay Msgr. Obeña ang kanyang buhay bilang pari ay isang patuloy na pagsunod at paglilingkod. Sa loob ng 45 taon ng pagkapari, habang siya ay patuloy na pinagkakalooban ng lakas, magpapatuloy siyang maglilingkod at nakahandang sumunod hangga't may magagawa siya para sa Diyos. Sa huli, sinambit niya ang mga salitang, "For all that has been, thank you, Lord. And for all that will be, Yes, Lord!"

Sa pagbabahagi naman ni Fr. Tolentino, ikinuwento niya ang istroya ng kanyang bokasyon kung saan sinabi niya, "ang lahat ay biyaya tulad ng binhing nahulog sa lupa at umusbong, nagkaugat tanda ng pagpalala." Dagdag pa nya, sa loob ng 25 taon sa pagkapari, ito ay, "isang biyaya na sa kabila ng mga hamon at mga pagsubok, ng mga kahinaan at kakulangan bilang tao, patuloy parin ang pagtugon sa tawag ng Panginoon at ganapin sa tuwina ang Kanyang kalooban, sa tulong at pag-akay ng Mahal na Birhen Maria, Ina ng laging Saklolo."

 
   
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN