 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Hapag' ni Msgr. Noel |
| 30 October 2021 |
| |
|
Lumalabas ang tunay na ugali ng tao sa hapag-kainan. Sa ebanghelyo, pinansin ni Hesus sa isang piging kung paano pinipili ng mga panauhin ang mga tanging upuan.
Sa tingin ng ilan, ang handaan ay pagkakataon para iparada sa publiko ang angat na katatayuan nila sa buhay. May mayaman, at may nagyayaman-yamanan. May kagalang-galang, at may nagpapanggap lamang. Kung minsan, ang mga handaan ay nagiging okasyon ng sosyalan, at walang malalim na pagtatagpong personal.
Ibang klase ang mga dulang na dinaluhan ni Hesus. Iba ang diwa ng kanyang pakikisalo. Dumulog siya sa hapag ng mga taong hamak. Sa karaniwang buhay, ang gusto lang nating makasalo ay mga kaibigan at kakilala. Binasag ng kapakumbabaan ni Hesus ang kalakaran ng tao. Sa Kaharian ng Diyos, ang mga kinakaligtaan ng lipunan ay may lugar sa hapag ng Diyos.
Mauunawaan natin ang kahulugan ng misa kung gugunitain natin ang mga salu-salong dinaluhan ni Hesus - sa piling ng mga aba at makasalanan. Malalim at personal ang pakikipagtagpo ni Hesus sa kanila.
Hindi lamang isang ritwal o panlipunang okasyon ang misa. Paanyaya ito dumulog din sa mga salu-salong dinaluhan ni Hesus.
*Sabado sa Ikatatlumpong Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|