Tahan Na!
31 October 2021
 
-Ida Myra F. Alilio


“Nang makita ni Hesus ang kanyang ina at ang minamahal na mga alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, “ Ginang , narito ang iyong anak! “ . At sinabi sa mga alagad, “ narito ang iyong ina!”. Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.”(Juan 19:26-27) Tahanan, tahan, tumahan, matatahan, aking tahanan, ilaw ng tahanan… “ Tahan na! ang migiliw na wika ng inay sa kanyang anak na lumuluha. Bata man o matanda, mayaman man o mahirap, may pinag-aralan man o wala, iisa ang tinatawag o sinasambit. Kapag nadarapa , nasusugatan, nasasaktan. Inay, Mama, Mommy, ano man ang tawag, sila pa rin ang binabalik-balikan. Kapag umuuwi sa tahanan, sila ang hinahanap-hanap nating sasalubong at yayakap. Ang may kakaibang dampi ng kamay sa ating likod kapag tayo ay pagal, ang masuyong dampi ng kamay sa ating pisngi kapag luha ay pinapalis; sadyang kay init, kay lambing. Wala na yatang mas sasarap pa sa piling at kandungan ng isang inang ang puso ay tigib ng pagmamahal para sa ating kanyang mga anak. Kay Maria matatahan ang ating puso pagka’t sa kanya tayo inihabilin ni Hesus ng siya ay lumisan. Sa kanyang pinakamamahal na ina lamang niya kayang ipagkatiwala ang kanyang mga kapatid, tayo na kanyang mga kapatid. Kaya dito sa kanyang tahanan, dito sa simbahan kung saan naroon ang Mahal na Birheng Dolorosa natin matatagpuan ang ilaw na hinahanap natin sa kadiliman ng ating puso, ng ating buhay. Siya ang nagbibigay sa atin ng lakas, ng kapahingahan, ng kagamutan, ng kasagutan sa mga agam agam. Uuwi at darating tayo sa ating tahanan na kay bigat ng pinapasan, at aalis tayong naroon pa rin ang pasan, ngunit alam nating tayo ay mayroon ng katuwang. Ang pagsubok ay laging nadiyan, tulad ng inang nag aabang, nagaantay sa ating paglapit, pagdantay. Sa ating pagluhod, pag iyak, pag-usal ng dasal, isang ina ang nakatungo, nakatitig, nakamasid, may tangan na panyo na laging handang punasan ang luhang sa ating mga mata ay sumisilay. Tatayo, lilisan, at muli ay babalik upang sa Mahal na Birheng Dolorosa ay humingi muli ng lakas, pagkalinga at paggabay.

 
   
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN