ANG PAMIMINTUHO SA MAHAL NA BIRHENG DOLOROSA
03 October 2021
 
-Melody A. Bonquin

    Ayon sa alamat, nagsimula ang debosyon sa Mahal na Birheng Dolorosa nang dumating ang mga Kastila. Dahil ang lugar na ito ay napapalibutan ng mga kabundukan, minarapat ng mga maghihimagsik na dito magtago kasama ang kani-kanilang pamilya. Tuwing sasapit ang dilim, ang mga kalalakihan ay madalas nagtatagpo sa liblib ng kagubatan. Minsan, isang gabi sa kanilang pagtatagpo, may nakita silang napakagandang babae at nang sundan nila ay bigla itong nawala. Maraming beses na naulit ang ganoong pangyayari at kumalat ang balita na parang isang apoy. May matandang mag-asawa ang nakapagsabi na yaon daw ay maaring ang Mahal na Birhen Dolorosa na tunay na mapaghimala. Magmula noon, nagkaroon ng debosyon ang mga tao sa kanya kung kaya tinawag ang lugar na Dolores. Noong 1840 itinatag ang bayan ng Dolores kasabay ang pagiging parokya ng simbahang nito na itinalaga para sa karangalan ng Mahal na Birheng Dolorosa. Marami itong pinagdaanan na hindi maganda dahil sa rebolusyon ngunit patuloy pa rin ang debosyon na sa paglago ng simbahan ay lumalago din at tanging ang mga pari na nadestino dito sa parokya kasama ang mga mananampalatayang Katoliko ang makakapagsabi kung paano lumaganap ang debosyon sa Mahal na Birheng Dolorosa. Hindi mawari kung saan nanggagaling ang napakaraming taong patuloy na dumadagsa dito kung Biyernes lalo't Unang Biyernes ng buwan at kapag panahon ng Kuwaresma. Dahil dito, ito ay itinalagang "simbahan" ng Bayan ng Dolores noong 1988. Noon namang 1994, naitalaga ito bilang Pandiocesis na Dambana. Sa patuloy na pagdayo ng mga deboto hindi lamang mula sa Luzon maging sa ibang parte ng Pilipinas at mga nasa-ibang bansa, naitalaga ito bilang PAMBANSANG DAMBANA noong Hunyo 15, 2017. Kaugnay pa din sa napakadami ng namimintuho dito, iginawad ng Obispo ng Lucena, Mel Rey Uy, D.D. ang Koronasyon Episkopal noong ika-12 ng Abril 2019 at noong Marso 25, 2021 naigawad ni Papa Francisco ang Koronasyon Kanonikal na kinatawanan ni Apostolic Nuncio Charles John Brown, D.D. Maraming kuwento ng himala sa mga deboto sa pamamagitan ng panalangin ng Mahal na Birheng Dolorosa.


   Isa sa mga kuwentong ito ay inihayag ni Riza Peña na ngayon ay naninirahan sa Canada. Ayon sa kanya, siya at nagkaroon ng malubhang sakit. Isa sa mga dinadasal niya noon araw-araw ay ang Chaplet ng Pitong Sakit ng Mahal na Ina. Binigyan din siya ng kanyang ina ng damit ng Mahal na Birheng Dolorosa na lagi niyang kayakap gabi-gabi. Isang umaga, siya ay nagtaka dahil ang damit na yoon ay may mga amorseko. Inipon niya at inilagay sa isang plastik ang mga iyon. Sabi ng kanyang asawa ay binisita siya ng Mahal na Birheng Dolorosa. Hindi siya makapaniwala sa ganoong kuwento at nang ipakita niya ang plastic dito, ang laman nito ay naglahong parang bula. Gumaling din siya sa kanyang karamdaman na maging ang mga doktor niya ay hindi makapaniwala na maliligtas siya sa kanyang sakit.


   Si Emilia Alulod, 63 taon ng San Jose Del Monte City sa Bulacan ay patuloy na dinudugo sa loob ng 2 buwan hanggang sa dumating ang pagkakataon na sumakit ng matindi ang kanyang tiyan at hindi na matiis. Noong ika-7 ng Disyembre 2020, dinala siya sa doctor, at sumailalim sa ultrasound. Dito nakita na siya ay may endometrial polyps at pangangapal ng matris. Pinayuhan siya ng doktor na sumailalim sa pagpaparaspa, ngunit hindi agad siya nabigyan ng medical clearance na kinakailangan bago maisagawa ito dahil nakita sa pagsusuri na meron siyang diabetes, hypertension at urinary tract infection. Noong ika-8 ng Disyembre ipinag-alay siya ng kanyang pamangkin ng intensyon sa misa at kasama siya ay nakadalo ng misa sa pamamagitan ng FB Live Streaming sa Pambansang Dambana ng Mahal na Birheng Dolorosa. Nang muli siyang magsangguni sa doktor noong Disyembre 14, sinabi nito na lalong lumala ang infection at binigyan siya ng mas mataas na dosage ng antibiotic. Nag-on line simbang gabi siya at ang kanyang pamangkin dito. Noong ika-22 ng Disyembre 2020, naging ayos na ang kanyang pakiramdam, pati pagdurugo ay nawala na. Nakahanda na din siyang sumailalim sa “medical procedure.’’ Ika-4 ng Enero 2021 naman ay bumalik siya sa doktor upang magpa-check up at sumailalim ulit sa ultrasound para mai-kompara sa naunang ultrasound. Namangha sila sa naging resulta dahil nawala na ang mga polyps at bumalik na sa normal ang kapal ng kanyang matris. Dahil dito ay hindi na siya sumailalim sa raspa.
   

Si Rhoneil “Onie” Dejarme, ang Choir Master ng koro dito sa parokya habang tumutugtog ng organ noong ika-15 Hunyo 2018, sa unang anibersaryo ng pagkaka-deklara ng simbahan ng Mahal na Birheng Dolorosa bilang Pambansang Dambana ay hindi nakatapos ng kanyang pagtugtog sa kadahilanan na naisugod siya sa ospital at napalagay sa ICU dahil sa intracerebral hemorrhagic thalamic stroke. Ang kanyang utak ay nabalutan ng dugo at binigyan ng maliit na tsansa na maka-recover. Walang magawa ang kanyang mga kapatid at mga kaibigan kung hindi ang magdasal sa Panginoon sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Dolorosa. Nang ika-14 na araw siya ay milagrong nagising at malaon ay pinauwi na sa kanila, namagitan para sa kanya ang Mahal na Ina. Nguni’t pagdating niya sa kanila, unti-unti niyang napagtanto na malaki ang nabago sa kanyang sarili, hindi niya maigalaw ang kanang kamay at paa, namanhid ang kanyang dila, lalamunan at iba pang bahagi ng kanyang katawan. Nakaramdam siya ng pag-iisa at walang kasiguraduhan kung ano ang mangyayari sa kanya. Noong ika-7 ng Hulyo 2018, habang ginagawa ang buwanang Unang Sabado na Penitential Procession sa madaling araw, biglang bumuhos ang malakas na ulan sa kalagitnaan ng prusisyon. Naghanap sina Msrg. Charles at ang mga kasama dito na masisilungan. Nagkataon na sila ay nasa tapat ng bahay nina Onie at doon sila nakisilong. Hindi agad ibinalik sa dambana ang imahe ng Mahal na Birheng Dolorosa at doon sa bahay nila ay nanatili ito ng halos isang buwan. Simula noon, mas dumami ang tinanggap niyang, suporta – ispiritwal, pisikal, materyal at pinansyal mula sa mga kamag-anak, mga kaibigan at kakilala. Nagkaroon din siya ng therapist na inalalayan siya hanggang sa makayanan na niyang kumilos at maglakad mag-isa kahit pautay-utay. Ayon sa kanya, totoo na “sa pitong sakit karamay kita at sa pitong punyal sa puso Mo, bukal Ka ng tibay at ng tatag laban sa mga hamon ng mundo”. Tulad nila, marami pa ding kuwento na mga himala sa buhay nila sa pamamagitan ng tulong at panalangin sa Mahal na Birheng Dolorosa at patuloy pa din ang kanilang pamimintuho sa kanya.

 
   
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN