Sa Isang Salita: 'Pribilehiyo' ni Msgr. Noel
07 December 2021
 
Ang mga nasa posisyon ng kapangyarihan ay nasa tamang lugar para makita ang katatayuan ng mga nasa gilid ng lipunan. Higit na mabigat ang kanilang pananagutan upang dumamay at iangat ang nasa abang katatayuan.

Ipinakita ito ni Hesus sa larawan ng mabuting pastol. "Iniiwan nito ang siyamnapu't siyam na tupa upang hanapin ang isang nawawala." Nararapat lamang na ang namumuno ay may espesyal na pagtatangi sa mga dukha at mahihina. Dapat ang "paborito" niyang tulungan ay ang higit na nangangailangan. Ito ay dahil tanaw niya "mula sa itaas" ang malaking agwat na naghihiwalay sa mga 'mayroon' at 'wala.'

Dito umiikot ang istorya ng Pasko. Mula sa lugar ng kaluwalhatian, bumaba ang Diyos sa ating abang kalagayan upang itaas ang ating dangal. Tulad ng isang tunay na pastol, naging taong tulad natin ang Diyos upang sagipin ang mga naliligaw.

Tayong nakakabasa ng pagninilay na ito sa facebook - sa iba't ibang paraan - ay nasa lugar ng pribilehiyo. Nawa'y hindi ito maging sanhi ng pagkabulag sa mga nagaganap na katiwalian sa ating paligid. Sa halip, nawa'y magpatalas ito ng ating panimbang upang bigyang-prioridad ang pangangailangan ng mga nasa laylayan ng lipunan. Bokasyon nating maging pastol sa isa't isa.

*Martes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN