 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Taksil' ni Msgr. Noel |
| 25 February 2022 |
| |
|
Matinding kasalanan ang pagtataksil. Galit at poot ang karaniwang reaksyon natin sa iba't ibang anyo ng kataksilan: taksil sa asawa, taksil sa kaibigan, taksil sa pangako, taksil sa bansa. Pero sino ang tunay na kawawa? Ang totoo, hindi lang ang pinagtaksilan ang tunay na nasaktan kundi ang taong nagtaksil. Sa kawalang-katapan, tinatalikdan niya ang kanyang pagkatao. Pinabababa ang kanyang puri at dangal.
Sa ebanghelyo, itinanghal ni Hesus ang dangal ng pag-iisang dibdib. Sa katapatan, ang mag-asawa ay nagiging buhay na tanda ng katapatan ng Diyos sa tao.
Ang pananalig ay isang tipan ng pagmamahal sa Diyos. "Every true lover is a true believer." Bawat kasalanan ay isang akto ng pagtataksil. Sinisira natin ang pangako ng katapatan sa Diyos. Sa tuwing tayo ay nagkakasala, ipinagpapalit natin ang Diyos sa bagay.
Inaanyayahan tayo ng Diyos na iwan ang mga nagawa nating kataksilan at gawing panata ang pagiging tapat - sa Diyos, kapwa, bansa at kalikasan.
Ang darating na eleksyon ay magbubunyag sa uri ng ating pagkatao: tapat o taksil. Ang bawat desisyon na ating gagawin ay isang akto ng pananalig. Sana'y hindi tayo magtaksil sa Diyos sa pagpili ng mga taong ang paninindigan at 'track record' ay taliwas sa aral at pagpapahalaga natin bilang mga Kristiyano.
*Biyernes sa Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|