Sa Isang Salita: 'Touchstone' ni Msgr. Noel
07 March 2022
 
Noong una, gumagamit ang tao ng bato (haspe) upang kilatisin kung alin sa mga metal ang lantay o huwad na ginto. Touchstone ang tawag dito. Kay Hesus, may isa lang mahalagang touchstone sa huling araw para kilatisin kung ang isang tao ay fake o genuine: hindi ang kaalaman sa doktrina o sa biblia, kundi paglingap sa nangangailangan. 'The hands that serve are as holy as the lips that pray.'

Bakit ang paghihiwalay sa tupa at kambing, na halos magkamukha, ang ginamit ni Hesus na pagsasagisag sa paghuhukom? Bakit hindi tupa at lobo - na lantad ang pagkakaiba? Dahil ang pinatutungkulan ni Hesus dito ay ang lahat ng tumatawag sa kanya ng "Panginoon" - lahat ng nagtataglay ng pangalang kristiyano. Ipinahihiwatig ni Hesus na hindi ito ang katiyakan ng kaligtasan. Sa huling araw, malalantad ang may huwad at lantay na pananalig.

Sabi ng isang spiritual writer: "God's judgments take note only of the unconscious moments of our lives, the times when we are off guard.... It is then that we truly reveal ourselves." Ang nagbubunyag ng totoo sa ating pagkatao ay yaong mga pagkakataon na walang nagmamasid, walang CCTV, walang media. Dito makikita kung anong uri ng tao tayo.

Sorpresa at di natin aakalain ang pagpapakita ng Diyos. Ani Santa Teresa ng Calcutta: Jesus 'is' the hungry, feed him; Jesus 'is' the sick, care for him. Walang pasubali, Siya na nga yun!

Magandang pagnilayan ang nilalaman ng awiting, "Hesus na Aking Kapatid" : Tulutan Mo aking mata; mamulat sa katotohanan; ikaw Poon makikilala; sa taong mapakumbaba."

*Lunes sa Unang Linggo ng Kuwaresma

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN