 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Karma' ni Msgr. Noel |
| 08 March 2022 |
| |
|
Hindi bahagi ng pananampalatayang Kristiyano ang 'karma.' Ito ay galing sa relihiyong Hindu na nakabatay sa paniniwala sa 'reincarnation' at 'transmigration of soul.' Ayon dito, ang kaluluwa ng isang yumao ay magkakaroon ng bagong anyo ng pag-iral sa kasunod niyang buhay: maaring sa mas mataas, o sa mababang antas, depende sa uri ng kanyang naging dating buhay.
Sa halip, ang paniniwala ng Kristiyano ay nakatuon sa katarungan ng Diyos. May 'balik' na gantimpala o parusa ang ating mga ginawa sa lupa. Kahit sa buhay na ito, hinuhubog na ng ating mga pasya ang ating pagkatao - tungo sa kabutihan o kapahamakan.
Pero ito: ang pinakamatinding batayang moral ng lahat ng ating pagkilos ay ang ginawa natin sa kapwa. "Ang sukatang ginamit ninyo sa iba ang sukatang gagamitin ng Diyos sa inyo."
Maliwanag ito sa dasal na Ama Namin. Ang kapatawarang kakamtin natin mula sa Diyos ay nakabatay sa kapatawarang iginawad natin sa ating kapwa.
Ang biyayang ibibigay ng Diyos ay depende sa biyayang ibinahagi natin sa iba. Ang takalang ginamit natin sa pagbibigay ang siyang takalang gagamitin din natin sa pagtanggap. Anuman ang ginawa natin sa "isa sa pinakamaliit na ito" ay kay Hesus natin ginawa.
Ang mapagmahal na paglingap ay nakapapawi ng kasalanan. Mag-Alay Kapwa tayo ngayong Kuwaresma bilang pagpapahayag ng ating pagsisisi.
*Martes sa Unang Linggo ng Kuwaresma |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|