Sa Isang Salita: 'Pag-uusig' ni Msgr. Noel
08 April 2022
 
"The world cannot withstand a person who is absolutely good... he will be persecuted and nailed to the cross," ani Joseph Cardinal Ratzinger (ngayon ay Papa Emerito Benedicto) sa kanyang aklat na Dogma and Preaching.

Hindi maatim ng mundo ang presensya ng isang taong sukdulan ang kabutihan. Ang kanyang buhay ay isang matinding dagok sa budhi ng lipunang namihasa sa lisyang kalakaran.

Sa ebanghelyo, sinabi ni Hesus: “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo; alin ba sa mga ito ang dahilan at ako’y inyong babatuhin?”

Ganito ang dinaranas ng mga taong nagtataguyod sa kabutihan. Sa ating panahon, patuloy na nagaganap ang pag-uusig sa katwiran. Kinukutya at nililibak ng mundo ang pumapanig sa katotohanan at katarungan. Sa kabilang dako, nagmimistulang 'bayani' ang mga nagtatanggol sa kabuktutan.

Ngayong Kuwaresma, ipinapaalaala sa atin ang ating tungkuling ipagtanggol ang pagpapahalaga ng ebanghelyo. Sa pagkampi sa kabutihan, nababawasan ang espasyo ng kasamaan sa mundo. "If God is with us, who can be against us."

*Biyernes sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN