Sa Isang Salita: 'Kasangkot' ni Msgr. Noel
10 April 2022
 
Sabi ng isang paring 'liturgist,' ang palaspas ay binabasbasan dahil ito ay sagisag ng ating pakikiisa kay Kristo sa kanyang pagyakap sa misyong magpakasakit para sa sala ng sangkatauhan. Sa ?anyang pagpasok sa lunsod ng Jerusalem, ipinahayag niyang "dumating na ang oras." Ito na ang sandali ng katuparan ng plano ng Diyos. Wala nang urungan.

Ito ang dahilan kung bakit tinatawag din natin ang Linggong ito na "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit. Niloob ng Diyos na pumasok sa ating makasalanang daigdig. Ninais niyang pasanin ang ating mga pagdurusa at makiramay sa ating abang kalalagayan.

Kung marami tayong pinagdaraanan ngayon, isipin natin na una na itong dinaanan ni Hesus. Hindi tayo nag-iisa. Mayroon tayong karamay. "Ramdam" ng Diyos ang ating abang katatayuan.

Nagsisimula ang Semana Santa sa pagpasok ni Hesus - hindi lang sa lungsod ng Jerusalem - kundi sa pook ng paghihirap at pighati ng sangkatauhan. Ito ang hudyat ng Kanyang pagyakap sa Kanyang krus. Ang "Passion Sunday" ay "Compassion Sunday." Ang Mesias ay nagpakasakit, hindi lang para sa atin, kundi kasama natin.

Nakiisa ang Diyos sa ating mga pakikibaka para kamtin ang kaganapan ng buhay. Kung paano pumasok ang Diyos sa kasaysayan ng sangkatauhan, dapat makisangkot ang mga Kristiyano sa pagpapanibago ng lipunan.

Hindi dapat kunsintihin ng isang mamamayang Kristiyano ang kamalian o katiwaliang nagaganap sa paligid. Ito ang ating pangako noong tayo ay binyagan: na itakwil si Satanas at ang lahat ng gawang masama.

Ipaalaala nawa ng palaspas na ating tangan ang pananagutang makaisa ni Hesus sa pagbuwag sa sistema ng katiwalian sa lipunan upang danasin ng lahat ang pagdatal ng Paghahari ng Diyos sa ating gitna.

*Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN