Sa Isang Salita: 'Kislap' ni Msgr. Noel
13 April 2022
 
Hindi lahat ng kumikislap ay nakakaaliw; ang iba'y nakakabaliw. Ito'y ang kislap ng salapi. Hindi iilang tao ang nawalan ng katwiran at integridad dahil sa salapi. 'Sayang siya, magaling na sana; nabulag lang sa pera.' Totoo ang kasabihan: "Money has a strange way of stealing our hearts from God." Kahit Diyos ay kayang talikdan nang dahil sa sobrang paghahangad sa kayamanan.

Sa halagang 30 pirasong pilak, ipinagpalit ni Judas Iscariote si Hesus. Nakapangingilabot. Ang kaibigang laging kasalo sa pagkain ang siyang nagkanulo kay Hesus. Ang salitang companion ay galing sa salitang Latin na cum (=with o kasama) at panis (=bread o tinapay). At ganito si Judas: laging kasalo sa paghahati ng tinapay. Pinagkatiwalaan at minahal ni Hesus. Subalit siya ang nagkanulo sa Kanya.

Ganito rin tayo sa mga pagkakataong ipinagpapalit natin ang prinsipyo sa materyal na pakinabang. Judas ang tawag natin sa nagbebenta ng dangal para dagliang yumaman. Traydor ang mga taong nagnanakaw sa kaban ng bayan. Malaking sampal ito sa mga dukha at mga mahihina sa lipunan.

Ang biktima ng kasakiman ay mga mahihirap at ating inang kalikasan. Sila ang unang biktima ng mga Judas sa ating panahon. "We must show our love for the poor and care for creation."

Tama si Papa Francico sa kanyang ipinahayag sa kanyang liham na Laudato Sì: "Hindi dapat isakripisyo ang kalikasan sa altar ng tutubuing salapi na kalimitan ay iilan lang ang makikinabang." (LS, 190)

Hindi lahat ng kumikislap ay nakakaaliw; ang iba'y nakamamatay. Pinakamasakit na kabiguan ang mawala ang pagkatao sa kakarampot na halaga. "The greatest tragedy in life is not death itself but what dies within us while we live."
.

*Miyerkules Santo ng Semana Santa

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN