 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Alaala' ni Msgr. Noel |
| 15 April 2022 |
| |
|
Alin ba ang mas mahirap: ang malimutan o ang makalimot?
Masakit ang malimutan. Sukatan ito kung mahalaga ka sa isang tao. Kahit ang mga yumao ay nilalagyan natin ng 'memorial' o 'in loving memory,' para kahit sa alaala ay manatili silang kapiling natin.
Pero mas mahirap ang makalimot. Ang lahat sa ating buhay ay tungkol sa alaala. Kapag ang isang tao ay nagka-amnesia o alzheimer's disease, nawawala ang kanyang identity; napuputol ang kanyang koneksyon sa mga mahal sa buhay. One who remembers is "re-membered;" while one who forgets is "dis-membered."
Ang Simbahan ay nananatili dahil sa alaala. Tayo ay bahagi ng Simbahan dahil tayo ay "nag-aalaala." Ang buong buhay ng sambayanang nananalig ay nakasandig sa alaala ni Cristo. Kaya't noong Huling Hapunan, mahigpit na tagubilin ni Hesus: "Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin."
Habang nag-aalaala (anamnesis, sa Hebreo), tayo'y nagiging bahagi ng istorya ng pagliligtas - sa ating pook at sa ating panahon. "The church is a pilgrim people that tells and re-tells the story of Jesus." Ang ebanghelyo ng Biyernes Santo ay bahagi ng patuloy na paggunita sa Diyos na nagmamahal sa tao.
Hindi lang pagsasangayon ng kahapon ang nagaganap sa pag-aalaala, nag-iiwan din ito ng dagok at hamon sa budhi ng ating lipunang dagling nakakalimot sa katwiran, katotohanan at katarungan.
"Dangerous memory." Mapanganib, ani Johann Baptist Metz, ang alaala ng Kristong namatay at muling nabuhay. Patuloy nitong inuusig at nililigalig ang ating lipunang madaling makalimot sa pagpapahalaga ng ebanghelyo. Hinahamon nito ang bawat henerasyon na muli't muling dinggin at isabuhay ang mensahe ng pagpapanibago.
Sa harap ng Kristong nagdurusa sa Krus, hanggang saan tayo naging bahagi ng patuloy na paghihirap ng ating kapwa -- dahil sa pagsasawalang-kibo sa harap ng karahasan at patayan, korapsyon at pagnanakaw; at pagiging indiferente sa mga usaping panglipunan at pangkalikasan.
Malaking kasalanan na ituring ang Biyernes Santo na isang taunang ritwal lamang o isang istorya ng kahapon o nakaraan.
Mawawalan ng halaga ang mga prusisyon, bisita iglesia, ayuno at pagpipenitensya kung patuloy naman tayong magiging kasapakat (at kasabwat) sa pagpapanatili ng kultura ng karahasan, pagmumura at kawalang-paggalang sa mga kababaihan, mga dukha at mga mahihina.
"The social and political power of the rich and the rulers must be open to the question of the extent to which it causes suffering.” (J B Metz, Anamnesis as Dangerous Memory)
*Biyernes Santo ng Triduo Pascual |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|