ANG PAGDIRIWANG NG UNANG TAONG ANIBERSARYO NG CORONATIO CANONICA NG NUESTRA SEÑORA DE LOS DOLORES DE QUEZON
25 March 2022
 
Pinangunahan ng lingkod pari, Msgr. Tony Viray ang solemneng pagbibihis sa imahe ng Mahal na Birheng Dolorosa noong bisperas ng gabi ng unang anibersaryo ng Coronatio Canonica. Kasabay ng mga magagandang awiting alay sa Mahal na Birhen ng Himig ni Maria Choir sa pangunguna ng Choir Master Sir Roniel Dejarme, ay pormal na isinagawa ang pagbibihis sa Imahe ng Mahal na Birhen sa tulong ng mga Damas de Maria. Matapos mabihisan ang Imahe ng Mahal na Ina ay nagsabog ng bulaklak sa paligid ng birhen ang mga miyembro ng Hijas de Maria bago ilagay ng mga Caballeros de Maria sa naging pansamantalang luklukan nito sa araw ng Koronasyon. Binantayan ng mga miyembero ng Caballeros de Maria ang imahe ng Mahal na Birhen hanggang sa ito ay mailipat sa kanyang permanenteng luklukan kinabukasan pagkatapos makoronahan.

   Kasabay ng Kapistahan ng Anunsasyon ng ating Panginoon, Ika-25 ng Marso 2022, biyernes at araw ng pagdedebosyon sa Dolores ay ipinagdiwang ng sambayanan ng Parokya at Pambansang Dambana ng Mahal na Birheng Dolorosa ang unang anibersaryo ng Coronatio Canonica ng mapag-himalang imahe ng Mahal na Ina sa ating bayan ng Dolores. Pinangunahan ng Lubhang Kagalang-galang Mel Rey M. Uy DD, Obispo ng Diocesis ng Lucena kasama ang Obispo Emeritu ng ating Diocesis Lub.Kgg. Emilio Z. Marquez,DD at ilang mga bisitang pari ng ating Diocesis ang Misa pasasalamat at pagsasariwa ng ritu ng pag-gawad ng korona sa imahe ng Mahal na Birhen. Sa homiliya ni Bishop Mel ay kanyang sinariwa na ang paggawad sa koronang ito ay biyayang tinanggap hindi lamang ng ating parokya dito sa bayan ng Dolores, kundi ito ay biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng Santo Papa Francisco sa mga mananampalataya sa buong mundo lalo at higit sa Diocesis ng Lucena at sa Probinsya ng Quezon. Ipinaalala din ng Obispo na sa araw na ito, sa pagpapakita ng Anghel Gabriel kay Maria ay kanyang ipinaghayag ang mga salitang “Napupuno ka ng grasya” kung saan ay inihahayag na pinili ng Diyos ang Mahal na Birhen dahil sa pagmamahal nito sa kanya at sa ating lahat. Hayagan din ang kasunuran ng Mahal na Ina sa natatanging hamong ibinigay sa kanya upang maging Ina ng ating Panginoon Hesukristo na magdudulot ng kaligtasan para sa ating lahat.
   
Pinangunahan ng mga Council Presidents ang pag-aalay at dito muling ini-alay nina Dr. Renato and Mrs. Lebbie Alilio at Mrs. Dolores Alilio ang Korona ng Mahal na Birhen. Isinagawa ang ritu ng pagkokorona sa imahe ng Mahal na Birhen sa pangunguna ng Lubhang Kgg. Obispo Mel Rey M. Uy kasama ang Lubhang Kgg. Obispo –Emeritu Emilio Z. Marquez. Pagkatapos ng pagpuputong ng korona ay iniluklok na ang imahe ng Mahal na Birheng Dolorosa sa tulong ng mga Caballeros de Maria. Bago matapos ang pagdiriwang ay dinasal ang “pagtatalaga para sa kalinis-linisang puso ni Maria” bilang panalangin para sa buong mundo para sa kapayapaan partikular sa Russia at Ukraine. Sa huli ay ini-alay ng mga candle sponsors ang mga kandila para sa Mahal na Ina kasabay ang pag-awit ng “Inang Gabay”. Dinaluhan ang nasabing Banal na pagdiriwang ng daan-daang mga deboto at mananampalataya hindi lamang mula sa ating bayan kundi mula sa iba’t ibang bahagi ng Diocesis na walang patid ang pamimintuho sa Mahal na Birheng Dolorosa.

Sa payak na araw ding yaon sa araw ng selebrasyon ng anibersaryo ng Coronatio Canonica ay muling nagpaabot ng mga natatanging handog ang Alab ng Puso Apostolate for the Poor ng ating parokya sa pamamatnubay ng ating katuwang na lingkod pari, Fr. Oliver Lacorte. Isinagawa ang pamamahagi ng mga groceries at 5kg bigas sa pitumpu’t limang mga pamilyag lubos na nangangailangan. Ang mga natatangin handog na ito ay nagmula kina G. Manuel at Gng.Jane Alilio.

Ang pagpapahayon po ng pasasalamat sa lahat ng mga taos puso at walang sawang sumusuporta sa lahat ng mga natatanging gawain ng ating Parokya at Pambansang Dambana mula sa mga nagsipagganap, mga sponsor at mga naghandog upang maging posible ang payak na araw na ito. Muli, Maraming maraming salamat po! VIVA DOLOROSA! VIVA NUESTRA SEÑORA de los Dolores de Quezon, Coronada!

 
   
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN