MISYON TUNGO SA IISANG DESTINASYON
09 April 2022
 
DOLORES - Sabi nga " Ang kabataan ay hindi lamang pag-asa ng bayan, ngunit sila rin ang pag-asa ng ating simbahan". Ang mga kabataan ang siyang magpapatuloy at magpapalaganap ng salita ng ating Panginoong Hesus. Sila ang mga buhay na mangangaral ng salita ng Diyos. Sa ating mga pag-lilingkod hindi talaga maiiwasan ang mga balakid. Ang mga balakid na pilit bang gumagawa ng paraan para tayo ay mapahinto sa paglilingkod sa Diyos. Ang mga balakid na ito ang nagiging dahilan kung minsan kaya nawawala sa ating mga puso ang init ng pag-ibig sa ating pinaglilingkuran.

Ang naranasan at patuloy pa rin nating nararanasang pandemya ang siyang humadlang sa mga kabataan para mag patuloy sa kanilang paglilingkod sa Diyos. Bago ang naturang pandemya ang Parokya at Pambansang Dambana ng Mahal na Birheng Dolorosa sa Dolores Quezon ay may humigit kumulang na limandaang aktibong miyembro ng Parish Youth Ministry. Sila ay buhat sa iba't-ibang MSK na sakop ng parokya. Maraming mga aktibidad na isinasagawa noon para sa mga kabataan na nais mag silbi sa Diyos. Ngunit sa kasamaang palad dahil sa pandemya ay unti-unting nawala ang mga kabataan ng parokya. Dahil sa iba't-ibang mga patakaran hindi nagagawa ng mga kabataan ang kanilang pagsisilbi sa Diyos.

Ngayong nagkaroon na ng pagluluwag sa mga alituntunin, magagawa na muli ng mga kabataan ng parokya ang mga dati nilang gawain. Kaya sa Parokya at Pambansang Dambana ng Mahal na Birheng Dolorosa ay pinasimulan ang isang Parish Youth Assembly na may temang "Reconnect”. Layunin nito na buhaying muli ang init sa puso ng mga kabataan na maglingkod sa Diyos. Ginanap ito noong ika-siyam ng Abril taong kasalukuyan.Ang gawaing ito ay nilahukan ng mga dati ng naglilingkod kasama ang mga bagong sali sa organisasyon at mga sakristan ng parokya. Ang kabuuang bilang ng mga dumalo ay apatnapu. Ang nasabing gawain ay pinasimulan sa pamamagitan ng sama-samang pagdarasal ng Santo Rosario. Matapos ito ay nagkaroon ng kaunting mga palaro at pagpapakilala ang bawat isa. Sa gawaing ito nabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na makilala at makahalubilo ang kanilang mga bagong kasamahan sa paglilingkod. Gayundin nagkaroon ng isang oras na panayam si Bro. Popoy Pornillosa. Sa kanyang panayam ay binigyan niya ng diin ang mga bagay na humahadlang sa ating paglilingkod sa Diyos. Gayundin isinalaysay niya ang kahalagahan ng pagkakaroong muli ng koneksiyon sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok na ating naranasan. Pinaalalahanan din niya ang mga kabataan na sa kabila ng ating pagkakaiba-iba ay may iisa lamang tayong layunin, ayon ay ang maglingkod sa ating Panginoong Hesus. Hinimok din niya ang mga kabataan na mang-akit pa ng ibang mga bata na ninanais na maglingkod sa Panginoon. Ang nasabing gawain ay nagtapos sa pamamagitan ng isang Banal na Misa na pinamunuan ni Rev. Msgr. Tony Viray.

Ang kabataan ang pag- asa ng simbahan. Sa kanila nakasalalay ang mga misyon at gawaing paglilingkod ni Kristo. Sila ang inaasahan ng simbahan na magpapatuloy ng mga pangangaral at turo ng ating Panginoon. Ang mga kabataan ang pinakamahalagang yaman na mayroon ang ating Inang Simbahan sapagkat sila ang mukha ng simbahan. Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang layunin sa buhay, ngunit iisa lang ang tiyak natin, ito ay sa kabila ng ating paglalakbay sa mundong ito tayo ay hahantong lahat sa iisang destinasyon at ayon ay walang iba kundi sa piling ng ating Panginoon. – Gabriel R. Manalo

 
   
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN