Sa Isang Salita: 'Voice or Noise' ni Msgr. Noel
08 May 2022
 
Kanino ba tayo nakikinig, sa Voice of the Shepherd o sa Noise of the world? Mahirap makinig ngayon. Tinatalo ng ingay ng kasinungalingan sa ating lipunan ang tinig ng katotohanan. Mas naaakit tayo sa mga mapalamuting pananalita ng mga huwad na mesias na ang hangad lamang ay upa - salapi at karangalan - at hindi ang kabutihang pangmadla.

Sinabi ni Hesus: “Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin." Ang pangunahing gawain ng mga tagasunod ay "makinig" sa tinig ng Mabuting Pastol. Ang salitang disipulo ay nagmula sa salitang Latin, discere, na ang kahulugan ay "to learn, to listen."

Sa paaralan at sa simbahan, mas mahaba ng panahon na tayo ay nakikinig kaysa nagsasalita. Bakit? sa pakikinig tayo natututo; sa pakikinig tayo nagkakaroon ng connatural sense para makilatis kung ano ang tama at matuwid, ang masama at tiwali. Sa pakikinig tayo nagkakaroon ng pagkakaisa ng puso at isip gaya ng nasasaad sa Gawa ng mga Apostol. Sa pakikinig sa aral ng mga apostol, nagkakaisa ang puso at diwa ng mga nananalig. Ang kaisahan ng diwa (unanimity, one spirit) ang batayan ng tunay na unity (communion).

Saan nating mapapakinggan ang tinig ng Mabuting Pastol?
- sa Salita ng Diyos sa biblia. Sa misa, ang presensya ng Diyos sa pagpapahayag ng Salita ay kasing-totoo ng kanyang presensya sa hapag ng eukaristiya.

- sa tinig ng Simbahan, ang ating mater et magistra. "The church may hurt you with the truth. But she will never comfort you with a lie."

- sa aral ng kasaysayan. Ayon sa Vatican II, ang Diyos ay nagsasalita sa mga tanda ng panahon. Dapat nating pagnilayan ang mga pangyayari sa ating kasaysayan sa liwanag ng Salita ng Diyos. Kapag ating nalimutan ang aral ng kasaysayan, nanganganib na maulit ang bangungot ng nakaraan.

May isang lumang aklat na ang pamagat ay "To Hell on Monday." Marami raw katoliko ang pumupunta sa Simbahan tuwing Linggo pero pag araw ng Lunes ay pumupunta naman sa impyerno. Ibig sabihin, may malaking agwat na naghihiwalay sa ating pagsamba at sa ating buhay, sa ating dasal at sa ating asal.

Pumunta tayo ngayong Linggo sa Simbahan. Sana sa Lunes sa araw ng halalan, sa impiyerno ang ating patunguhan dahil sa maling pagpili ng mamumuno sa ating bansa.

Sana'y makinig at matuto tayo sa Mabuting Pastol upang marating ng ating sambayanan ang sariwang pastulan.

Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN