 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Wagi' ni Msgr. Noel |
| 29 May 2022 |
| |
|
Bakit tayo nagbubunyi kapag may mga pinoy na nagwawagi sa mga paligsahan sa ibang bansa, gaya ng America's Got Talent, The Voice, o kaya ay mga pinay na kasali sa Miss Universe? Sagot: dahil ang tagumpay nila ay tagumpay rin natin. Naabot sa wakas ng ating kalahi ang lugar na inaasam din nating maabot.
Sabi ng isang nanay: kahit hindi ako nakatuntong sa stage para tanggapin ang aking diploma, para na rin ako ang nagtapos kapag gumraduate na aking mga anak. Kahit di ko narating ang mga bansang napasyalan nila sa abroad, para na rin akong nakarating dahil napuntahan ito ng aking mga anak, sapagkat sila ay bahagi ko at ako ay bahagi nila.
Ito ang namamayaning mensahe ng Pag-Akyat sa Langit ni Hesus. Naabot na ng tao ang Langit. Damay tayo sa tagumpay ni Kristo: sapagkat inako niya ang ating pagkatao, kasama niya tayo sa pagbalik sa piling ng Ama sa langit. "Ang pagluklok Niya sa Kanan Mo ay katiyakang sasapit kami sa Iyo." "Christ is the beginning, the head of the church. Where he has gone, we (his body) hope to follow."
May isa pang dimension ang kapistahang ito: dapat maipanalo rin natin ang simulain ni Kristo sa mundo sa pamamagitan ng:
* Witnessing: Ang mabuting halimbawa ay higit na matimbang kesa isang libong salita. A holy man is like a stained glass window: he lets the light shine through. Ang buhay ng mabuting tao ay isang buhay na leksyon.
* Instruction: Uhaw ang tao sa kasagutan. Maraming naghahanap sa kahulugan. Ang mga binyagan ay hindi lang dapat tagatanggap ng ebanghelyo. Dapat din silang maging 'bibig' at 'kamay' ni Hesus.
* Novelty: New zeal, new emphasis, new strategy sa pagpapahayag ng ebanghelyo. Ang mundo ang parang isang malaking Quiapo, maraming snatcher. Ang media ay isang malaking daigdig (world wide web) kung saan dapat ding iparinig ang Salita para di maagaw ng mundo ang puso ng tao.
Sa Kapistahan ng Pag-akyat sa langit ni Hesus, iniwan Niya sa atin ang misyon upang manatiling buhay ang kanyang presensya sa pamamagitan ng ating apostolado bilang Simbahan.
*Linggo ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|