Sa Isang Salita: 'Corpus Christi' ni Msgr. Noel
19 June 2022
 
Ang gutom ay simbolo ng malalim na paghahangad ng ating espiritu. Mahirap ang walang makain, pero mas mahirap ang buhay na salat sa Diyos.

Ngayong Kapistahan ng Corpus Christi (Katawan ni Kristo), ipinaaalaala sa atin na tanging Diyos lamang ang tutugon sa malalim na gutom ng puso. "Hindi lamang sa tinapay ang tao nabubuhay, kundi sa Salitang nagmumula sa bibig ng Maykapal."

Sa Banal na Misa, ipinagkakaloob sa atin ni Hesus ang kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain ng ating kaluluwa.

Higit na mataas na layunin ang ating buhay kaysa bigyang-lugod ang sarili. Ang labis na pagmamahal sa sarili ay nauuwi sa idolatriya. Sinasamba natin ang sarili at hindi ang tunay na Diyos.

Ang tinapay ay sagisag rin ng buhay. "Bread" ang tawag natin sa sahod o kita, at "breadwinner" ang turing natin sa naghahanap-buhay para sa pamilya.

Isang tukso na gamitin natin ang ating salapi at yaman nang walang panlipunang pananagutan. Sinisira ng kasakiman ang ating ugnayan sa Diyos, sa kapwa at sa kalikasan.

Ang tinapay ay sagisag ng biyaya at lahat ng pagpapalang galing sa Diyos. Sabi ni Papa Francisco: labanan natin ang “culture of waste...: throwing food away is like stealing from the tables of the poor, the hungry!"

Ang mag-aksaya ng pera sa walang kapararakang paggastos ay insulto sa katatayuan ng mga dukha. Ang pagsira sa kalikasan - at pagpayag sa gawaing ito - ay pagnanakaw sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Ginigising ng panahong ito ng pandemya ang ating budhi para makiisa sa katayuan ng mga kapus-palad. Tinatawag tayo ng Diyos upang akuin ang pananagutan sa kapwa at sa lipunan - ang maging Tinapay para sa iba; ang maging tulad ni Kristo sa Tinapay ng Eukaristiya.

*Kapistahan ng Kamahal-mahalang Katawan at Dugo ni Kristo

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN