Sa Isang Salita: 'Malinis' ni Msgr. Noel
25 June 2022
 
Magkaugnay ang kahulugan ng maging 'dukha' at maging 'malinis' sa biblia. Sa karukhaan, ipinapahayag ng isang tao na Diyos lamang ang kanyang tanging yaman. Hindi siya nanghahawakan sa salapi at ari-arian. Sa kalinisan, inilalaan ng isang tao ang kanyang buong buhay sa Diyos. Walang kahati ang kanyang buhay sa paglilingkod. Maging ang yaman ay hindi kayang agawin ang kanyang puso.

Palaala ni Hesus, napakahirap pumasok sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman. Bakit? Sapagkat marami siyang karibal. Malaki ang tukso ng paghahangad. Inaagawan nito ang Diyos ng pitak sa ating puso.

Mahirap maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan. Walang Kristiyanong salawahan. Hindi nahahati ang kanyang puso. "To be poor is to be pure." Nagtatagpo ang karukhaan at katapatan sa buhay ng isang nanalig.

Taglay ng Mahal na Birheng Maria ang pusong dukha at malinis. Walang karibal ang Diyos sa kanyang puso. May malawak na lugar si Hesus sa kanyang buhay.

*Kapistahan ng Kalinis-linisang Puso ni Maria, Sabado pagkatapos ng Kapistahan ng Mahal na Puso ni Hesus

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN