Sa Isang Salita: 'Now Na!' ni Msgr. Noel
27 June 2022
 
Mamaya na. Bukas na. Saka na. Naging gawi na nating mga Pilipino ang ipagpaliban ang mga takdang gawain. Sa kaaantala sa mga bagay na dapat gawin, maraming trabaho ang di natatapos. Hindi iilang pagkakataon ang nasasayang. Maraming panahon ang lumilipas nang walang saysay.

Sa ebanghelyo, ipinaalaala ni Hesus na may isang bagay na di pwedeng ipagpabukas: ang pagtugon sa kanyang tawag. Bakit? Sapagkat ang pagtawag ng Diyos ay espesyal na sandali ng biyaya. Kapag di natin ito tinugon, maaaring di natin marinig muli. O kung marinig man nating muli, baka may iba na tayong prioridad sa araw ng bukas. Nakapanghihinayang ang pagpapalang nawala.

“Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”

Araw-araw, tinatawag tayo ng Diyos sa mas mataas na antas ng paglilingkod. Walang oras na dapat aksayahin. Dagli tayong tumugon. Now na!

*Lunes sa Ikalabing-tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN