Sa Isang Salita: 'Hipo' ni Msgr. Noel
04 July 2022
 
Humahanga tayo sa haba ng pila ng mga deboto ng Nazareno sa Quiapo. Sa kanilang isip at puso, "mahipo" lamang nila ang poon, kakamtan nila ang kanilang inaasam.

Wika ni Cardinal Tagle, tunay na kahanga-hanga ang payak na pananalig ng mga karaniwang tao. Pagpapahayag ito, aniya, na si Hesus ang kanilang tanging pag-asa. Sa hirap at dusa na kanilang pinagdaraanan, ramdam nila ang paghipo ng Diyos sa kanilang buhay.

Ganito ang karanasan ng babae sa ebanghelyo na labindalawang taon nang dinurugo. Napuntahan na niya ang lahat ng manggagamot. Matagal na siyang naghihirap. Si Hesus ang kanyang tanging pag-asa. Nang mahipo niya ang laylayan ng damit ni Hesus, biglang naampat ang kanyang pagdurugo. Gumaling siya kapagdaka.

Subalit hindi rito natapos ang istorya. Hinanap siya ni Hesus. Gusto niyang personal na makilala ang babae. Ang grasya ng paggaling ay walang halaga kung hindi ito mauuwi sa tapat na pananalig, sa malalim na ugnayan kay Kristo.

Sa mga tanda ng sakramento, ramdam natin ang haplos ng pagmamahal ng Diyos. Dito, ang grasya ay hindi parang magic. Ang biyaya ay hindi bagay. Ito ay buhay na binabago at pinalalago ng paghipo ng Diyos sa atin araw-araw.

*Lunes sa Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN