 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Takot' ni Msgr. Noel |
| 09 July 2022 |
| |
|
Lubhang totoo ang banta ng kamatayan. Sa panahong ito ng Covid19 pandemic, marami ang nababahala at nag-aalala para sa kanilang kaligtasan.
Paalaala ni Hesus sa ebanghelyo: "Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno."
Hindi kamatayan ang dapat katakutan kundi ang kakulangan sa pananalig. Hindi salot ang dapat katakutan kundi kawalan ng pag-asa at kasalatan sa pag-ibig. Ito ang pumapatay sa ating espiritu.
Nakakalungkot kung mas matatakot tayong mawalan ng pera kaysa mawalan ng dangal. Nakakapanglumo na may ilang nagsasamantala upang magkamal ng yaman habang naghihirap ang karamihan. May ilang nasa kapangyarihan nagpupumilit isulong ang pansariling interes sa gitna ng krisis na kinakaharap ng lipunan. Nawawala nga ang takot - pero sa maling dahilan.
Hindi lahat ng takot ay masama. Ang takot sa paggawa ng kasalanan ay isang biyaya. Kalimitan, ang sobrang lakas ng loob o tapang ay nauuwi sa kapahamakan. "Ang pagkatakot sa Diyos ay simula ng karunungan."
Sa mas positibong pagtingin, ang takot sa Diyos ay ekspresyon ng paggalang at pagmamahal. Ito ay pagkilala na ang Diyos lamang ang may-ari ng buhay.
Walang anumang kapangyarihan sa lupa ang pwedeng pumuksa sa tao. Diyos lamang ang may hawak ng lahat.
*Sabado sa Ikalabing apat na Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|