 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Lahat ay Kapatid
(Fratelli Tutti)' ni Msgr. Noel |
| 10 July 2022 |
| |
|
Seguridad ng ating tahanan at ari-arian ang layunin ng pagtatayo natin ng bakod. Ligtas at malayo nga naman sa panganib sa loob ng ating mga bakuran.
Subalit kung minsan, ang bakod ay nagmimistulang kulungan na humahadlang sa atin para puntahan ang kapwa. Ang bakuran ay sagisag ng ating 'comfort zone' na kung minsan ay ayaw na nating lisanin para magmalasakit sa iba. Sa ibang mayayamang 'villages,' sinasadyang magtayo ng bakod upang ihiwalay ang mga taong itinuturing na banta sa seguridad o mga dayuhan at taong hindi nila 'kauri.'
Sa talinghaga ng Mabuting Samaritano, hinihimok tayo ni Hesus na sirain ang bakod ng pagkakabahagi. Walang anumang pagkakahati - dahil sa lahi, kulay o relihiyon - ang dapat na maging hadlang para dumamay sa nangangailangan. Pinatotohanan ng Mabuting Samaritano na "ang pag-ibig ay walang kinikilalang hangganan."
Ani Gustavo Gutierrez, ang taong pinaslang at iniwang halos patay na sa tabing daan ay sagisag ng mga dukha sa ating panahon. Dahil sa kasalanan panlipunan, patuloy silang ninanakawan ng kanilang bahagi sa yaman ng daigdig, niyuyurakan ang karapatan, at ngayon ay patuloy na nakakaligtaan ng lipunan.
May pagkakataon na tayo'y nagiging mga “saserdote at Levita” ng ating panahon. Sa labis na pagkahumaling natin sa mga ritwal at seremonyas ng relihiyon, natatakpan ang ating mata at hindi na natin makita ang mga nagdurusa sa ating paligid. (Fratelli Tutti, Ch. 2). Kung minsan, itinuturing nating 'excuse' ang pagiging 'taong simbahan' upang hindi makisangkot sa pagpapanibago ng lipunan.
Ang talinghaga ay paanyayang lumabas tayo sa bakuran ng pagkamakasarili upang tumungo sa mga pook na nangangailangan ng paglingap at paghilom. "If you cannot find Christ in the poor in your neighborhood, you will not find him in the chalice." (adapted from St. John Chrysostom)
*Ikalabing limang Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|