Sa Isang Salita: 'Batingaw' ni Msgr. Noel
30 July 2022
 
Tinig ng Diyos ang turing natin sa mga batingaw ng Simbahan. Tinatawag tayo nito para manalangin. Ipinapaalaala ang ating obligasyong mangilin. Ipinapahayag nito ang mga banal na sandali sa ating buhay.

Sa mga kritikal na yugto ng kasaysayan ng bansa, pinapatugtog ang mga kampana para sa pagpapanauli ng katarungan at kapayapaan.

Subalit may isang tinig na mas malakas ang tunog kaysa batingaw: ito ang ating budhi. Pagkabagabag ang dinaranas ng mga taong naliligaw ng landas. Naghuhumiyaw ang ating budhi kapag nakakagawa tayo ng masama.

Ganito ang pinagdaanan ni Herodes. Hindi siya patahimikin ng kanyang budhi dahil sa kamatayan si Juan Bautista. Datapwat mas nanaig kay Herodes ang hatak ng kapangyarihan kaysa tawag ng kanyang budhi para magpanibago.

Sa ating panahon, tunog ng batingaw at tinig ng budhi ang magkasabay na gumigising sa lipunang nakakalimot. Dahil sa laganap na patayan, kasinungalingan, pagwasak sa kalikasan, ang mga ito ay nagmimistula nang normal o karaniwan.

Subalit sa iba't ibang paraan, hindi tumitigil ang Diyos sa kanyang pagpapahiwatig. "Today, if you hear His voice, harden not your hearts."

*Sabado sa Ikalabing pitong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN