Sa Isang Salita: 'Bitag' ni Msgr. Noel
31 July 2022
 
May kakaibang paraan ng panghuhuli ng asong gubat ang mga taga-Norway. Isang mapakatalim na espada ang nilalagyan nila ng sariwang dugo ng tupa. Pagkatapos, ibabaon nila sa niyebe (snow). Matalas ang pang-amoy ng mga asong gubat. Dagli nilang matutunton ang espadang may bahid na dugo. Hihimurin nila ito hanggang magsugat ang kanilang dila sa talim ng espada. Di nila namamalayan, ang hinihimod na pala nila ay sarili nilang dugo. Di maglalaon at sila ay manghihina hanggang sa mamatay.

"Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman," ani Hesus. Ang pag-aari ng tao ay parang bitag: nakakaakit pero nakamamatay. Mapanganib ang kayamanan. May kapangyarihan itong umalipin sa ating puso.

"Ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kanyang pag-aari." Ang parabola ng Mayamang Hangal ay isang matinding paalaala sa tao na walang kabuluhan ang yaman ng mundo. Hindi ito madadala sa hukay. Magkakaroon lang ito ng halaga kung magsisilbing kasangkapan sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.

Ang tunay na yaman ng tao ay nasusukat hindi sa dami ng kanyang naipon, kundi sa laki ng kanyang naibahagi. "We make a living by what we get. We make a life by what we give."

*Ikalabing-walong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN