Sa Isang Salita: 'Labis' ni Msgr. Noel
01 August 2022
 
Nang paramihin ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda, may nangyari pang isang himala. Ano ang himala sa loob ng himala? Ang sagot: may natira at "lumabis pa ng 12 bakol." Kung ang nanaig ay diwa ng pagkamakasarili, kahit anong dami ng tinapay at isda, hindi ito magkakasya. Marami ang magbabaon, at ang iba ay magtatago ng para sa sarili.

"Kayang tustusan ng mundo ang ating pangangailangan, ngunit hindi ating kasakiman."

Kulang ang himala ng tinapay kung walang himala ng puso. Hindi lang tinapay ang pinarami ng kagandahang-loob ng Diyos. Dumami rin ang nagmagandang-loob. Tunay na nakakahawa ang pagkamapagbigay.

Sa buhay, huwag nating iisiping wala o kaunti lang ang kaya nating ibahagi. Kahit lilima ang tinapay at dadalawa ang isda, dadami ito kapag dinala kay Hesus. Siya ang magpaparami ng kaunting mayroon tayo. At lalabis pa sa ating inaasahan.

"Miracle happens only when we learn to give from our poverty." Sa kamay na Hesus, ang kaunti ay dadami, ang salat ay sasagana, at dilim ay liliwanag na tulad ng tanghaling tapat.

*Lunes sa Ikalabing walong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN