 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Bundok' ni Msgr. Noel |
| 06 August 2022 |
| |
|
Sa biblia, itinuturing ang bundok bilang pook ng pakikipagtagpo sa Diyos. Halos humalik na sa pisngi ng langit, ang bundok ay pinaniniwalaan ng mga Judio bilang lugar ng pagbubunyag ng Diyos.
Inahon ni Hesus ang bundok ng Tabor. Dito nalantad ang kanyang kaluwalhatian sa Pagbabagong Anyo. Sa isa pang bundok, sa kalbaryo, ipinako si Hesus. Sa pook ng sakripisyo at pagpapakasakit, nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa tao.
Ayon sa ilang teologo, ang Diyos ay "Deus absconditus" (na ang kahulugan ay "Nagtatagong Diyos"). Bakit? Sapagkat kapwa ikinukubli at inihahayag ng Krus ang pagka-Diyos ni Hesus. Doon sa Kalbaryo, animo'y nalupig ang liwanag, subalit nagtatago lang pala ito sa likod ng maitim na ulap.
Dalawa ang mukha ng buhay ng Kristiyano. Nagpapahayag ang Diyos, hindi lang sa panahon ng kagalakan at kaluwalhatian. Maging sa sandali ng lungkot at kapighatian, ang Kanyang presenya ay mararanasan.
Anumang bundok ng buhay ang ating ahunin, may pahayag sa atin ang 'Nagtatagong Diyos': siya ay lagi nating kasama. Kumikilos at nagpaparamdam Siya ng kanyang presensya kahit sa sandaling sa pakiwari natin tayo'y pinabayaan at nag-iisa.
*Agosto 6, Kapistahan ng Pagbabagong-anyo |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|