 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Pakikisangkot' ni Msgr. Noel |
| 14 August 2022 |
| |
|
Hindi kapayapaan, kundi tabak ang hatid ni Hesus. Ito ay isang hamon sa mga tagasunod niya. Kailangang manindigan para sa mensahe ng ebanghelyo na kalimitan ay taliwas sa kalakaran ng mundong ito.
Tulad ng tabak, ang Salita ng Diyos ay nakakasugat sa pusong pinatigas ng pagsasawalang-kibo at pananahimik sa harap ng kamalian at kawalang hustisya. Ginigising nito ang budhi ng sambayanan.
"Laban sa akin ang hindi panig sa akin..." Napapanahon ang mensaheng ito ni Hesus. Walang 'neutral ground' sa mundong ito. Bawat lugar at oras ay pinag-aagawan ng dilim at liwanag, ng kasamaan at kabutihan.
Dapat tayong mamilì. Tungkulin nating manindigan. Sabi ni Edmund Burke, "evil triumphs when good men do nothing." Binibigyan natin ng puwang na makapamayagpag ang kasamaan kapag tayo'y nagsawalang-kibo at nanahimik na lamang. 'Safe side o suicide,' ang pagpipilian: ang pagtangging pumanig sa katotohanan ay pagpayag na mabuhay sa kasinungalingan.
"You must denounce things you are against or one might believe that you support things you really do not" (G. Kent). Ang Kristiyano ay hindi magiging tunay na "asin at ilaw" kung hindi siya magiging aktibong sangkap ng pagbuwag sa sistema ng katiwalian sa lipunan.
Ani Gandhi, may pitong kasalanang panlipunan: "Wealth without work, pleasure without conscience, science without humanity, knowledge without character, politics without principle, commerce without morality, worship without sacrifice."
Anang isang Jewish survivor ng Holocaust (Shoah): “We must always take sides. Neutrality helps the oppressor, never the victim. Silence encourages the tormentor, never the tormented" (E. Wiesel).
Noong binyagan, tayo ay nagbitiw ng pangako: "Opo, itinatakwil ko... Opo sumasampalataya ako." Naging totoo kaya tayo sa ating pangako?
*Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon (K) |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|