Sa Isang Salita: 'Posible' ni Msgr. Noel
18 August 2022
 
Madali bang tumanggi sa imbitasyon? Paano kung ito ay kasal ng isang malapit na kamag-anak o kaibigan? Gaano pa kaya kung ito ay 'royal wedding?' Siyempre, kapag mga kasal na mga sikat, lahat ay magkukumahog mapasama sa guest list. Isa itong karangalan at pribilehiyo.

Pero iba ang nangyari sa talinghaga sa ebanghelyo. Tinanggihan ng mga inanyayahan ang paanyaya ng hari - hindi dahil sa ayaw nila, kundi dahil may iba silang 'priority.'

Posible palang tanggihan ang alok ng Diyos ng pagliligtas, hindi dahil ayaw natin sa kanya, kundi dahil may iba tayong itinuturing na mahalaga.

Tama ang sinabi ni Michael Schmaus: 'evil man is not cast into hell, rather he himself creates it.' Ang impiyerno ay pasya laban sa pag-ibig, isang desisyon laban sa Diyos. Sa kamatayan, ang pasyang ito ay nananatili.

Bagamat posibleng magpasya laban sa Diyos, ang alok ng pag-ibig Niya ay tunay. Nagaganap ito araw-araw. Kailangang masanay ang ating puso na piliin ang katwiran at kabutihan.

Hindi lahat ng nakapasok sa bulwagan ay siguradong nakadulog sa piging. May ilang hindi naging marapat. "Hindi lahat ng nasa Simbahan ay sumasa-Diyos, at hindi lahat ng sumasa-Diyos ay nasa Simbahan," ani San Augustin. Ang karangalan at panlabas na anyo at kasuotan ay hindi garantiya ng kabanalan.

Sa talinghaga, bakit kailangan ang "wastong kasuotan"? Ang damit pangkasal ay sagisag ng kasanayan (habit) sa pagpanig sa kabutihan at katarungan. Ang kahulugan ng 'habitus' sa wikang Latin ay ang bagay na lagi nating dala o suot. Ang ating ginagawang palagi ay nagiging gawi. Binubuo nito ang ating karakter. Ang ating gawi ay nagiging tayo.

Sanayin natin ang ating puso na suotin ang damit ng kabutihan.

*Huwebes sa Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN