 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Bayani' ni Msgr. Noel |
| 20 August 2022 |
| |
|
Uhaw ang ating lipunan sa ulirang huwaran ng tapat na pamumuno. Wika ng isang kolumnista sa diyaryo: "we are a sad nation without heroes." Larawan tayo ng kasalatan sa inspirasyon ng kabayanihan.
Sa halip na unahin ang kabutihang pangmadla, ang namamayani ay kapakanan ng iilan. Ang batas ng dahas at salapi ang nangingibabaw, kahit taliwas sa katwiran. Ang nagpapatupad ng batas ang siyang unang dito ay lumalabag. Pawang pangako at salita, walang kongkretong gawa.
May mensahe sa atin ang mga pananalita ni Hesus sa ebanghelyo: "huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral."
Sa lipunan, mas "naririnig" ng tao ang mabuting gawa, kaysa matamis na pananalita. May kapangyarihan ang salita ng taong pinaninindigan ang kanyang ipinapahayag.
Isang kabayanihan ang gumawa ng isang simpleng kabutihan sa gitna ng pamayanang talamak ang katiwalian. Ang tapat na pamumuhay ay mabisang pagsaksi na kayang magtagumpay ng liwanag.
*Sabado sa Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|