Sa Isang Salita: 'Loob' ni Msgr. Noel
23 August 2022
 
Malalim ang kahulugan ng salitang 'loob' sa ating wika. Dito hinango ang mga katagang, 'bukas-loob,' 'kaloob,' 'bukal sa loob,' kalooban at iba pa. Lahat ng ito ay tumutukoy sa kaibuturan ng ating pagkatao. Sa ating 'loob,' maaaring makilala ang tunay at totoo sa ating sarili.

Kabaligtaran ito ng ating panlabas na kilos at anyo. Maaaring ikubli ng anyo ang nilalaman ng puso. Maraming pagkakataon na 'peke' at hindi tunay ang ipinapakita natin sa kapwa-tao. Ito ang tinuligsa ni Hesus sa mga eskriba at pariseo. Sabi niya sa kanila: "Mga mapagpaimbabaw! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan ngunit ang loob nito’y puno ng mga nahuthot ninyo dahil sa kasakiman at pagsasamantala."

Lahat ng pagbabago ay nagsisimula sa loob. Kaya nga, angkop na tawagin itong pagbabalik-loob! Sa mabuting loob nagmumula ang mabuting gawa. Likas na umaapaw ang kabutihan sa mga taong may mabuting kalooban.

Authentic love. Akma ang pamagat na ito ng tribute ng isang TV network sa yumaong environmentalist at philanthropist na si Gina Lopez. Tunay at wagas ang iniwan niyang kabutihan sapagkat ito ay magmula sa mabuting puso.

Sa mismong panayam noong siya'y nabubuhay pa, sinabi niya: "Only from love rooted deeply in the heart - that good things can come because it is coming from the space of compassion, of caring." - Gina Lopez PH

*Martes sa Ikadalawampu't isang Linggo sa Karaniwang panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN