Sa Isang Salita: 'Alab' ni Msgr. Noel
26 August 2022
 
Bakit hindi tayo napapagod gumawa? Ano ang nagpapaalab sa ating puso para patuloy na lumaban sa buhay?

Ang ating pangarap ang nagpapaalab sa ating paghahangad. Ito ang nagtutulak sa ating magsumikap upang marating ang ating ninanais.

Ang pinakamahirap na tao sa buong mundo ay hindi yaong walang salapi, kundi ang taong walang pangarap. Subalit hindi ito pangarap ng isang natutulog. Ito ang pangarap na nagpapagising; bumubuhay sa ating damdamin upang patuloy na harapin ang mga hamon ng buhay. Kung wala nito, hindi magniningas ang apoy sa ilawan ng ating mga puso.

Sa ebanghelyo, itinuring na 'matalino' ang mga dalagang nagbaon ng langis para sa kanilang ilawan. Napanatili nilang nagniningas ang sindi nito. Nanatili silang gising upang masilayan ang hinahangad ng kanilang puso.

Ano kaya ang nagpapaalab sa ating puso? May liwanag pa ba ang ating mga ilawan o baka aandap-andap na?

Sa sandaling tumigil tayong mangarap, magsisimulang umandap ang ating ilawan. Mawawalan tayo ng gana sa buhay. Ayon sa aklat ng Kawikaan: "Where there is no vision the people perish" [28:19].

May alab pa ba ang ating puso sa paglilingkod.... sa Diyos, sa Simbahan, sa bansa, sa kapwa at sa kalikasan?

*Biyernes sa Ikadalawampu't isang Linggo sa Karaniwang panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN