Sa Isang Salita: 'Swerte' ni Msgr. Noel
31 August 2022
 
Grasya o swerte? Hindi dapat maniwala o umasa ang isang Kristiyano sa swerte. Lahat ng nangyayaring mabuti ay galing sa Diyos. 'Everything is grace.' Ang swerte ay walang kaakibat na ugnayang personal sa Lumikha. Sa grasya, kinikilala nating konektado ang ating buhay sa Diyos na nagpapala.

Maganda ang istorya ng Biyenan ni Pedro na pinagaling ni Hesus. Matapos niyang tanggapin ang biyaya ng paggaling, "siya'y naglingkod."

Ang grasya ay hindi lang 'bagay' na tinatanggap; ito ay 'buhay' na binabago ng pagkilos ng Diyos sa ating gitna. May kasamang pananagutan ang bawat biyayang ipinagkaloob. Ang taong pinagpala ay dapat ding magpala sa kapwa.

Kung wala kang sakit, hindi ito swerte; ito ay grasyang nag-aanyaya sa iyo para maglingkod. Kung matalino, mayaman o sikat ka, hindi ka sinwerte, pinagpala ka. Pananagutan mong ibahagi ito. Hayaan mong 'mahawahan' ka ng pagkamapagbigay ng Diyos!

*Miyerkules sa Ikadalawampu't dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN