 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Laot' ni Msgr. Noel |
| 01 September 2022 |
| |
|
"Wag kang lalayo sa pampang. Mapanganib. Baka ka malunod," paulit-ulit na paalaala ng mga magulang kapag tayo ay nasa beach noong tayo ay mga bata pa.
Ligtas ang manatili sa pampang. Madaling humingi ng tulong kapag kinailangan. Mahirap sa laot. Bukod sa malayo, wala kang katiyakan.
Pero sa ebanghelyo, sinabi ni Hesus kay Pedro: "pumalaot ka... ihulog ang lambat sa dakong kalaliman."
May likas na paghahangad ang tao sa mga bagay na madali at maalwan. Subalit ang utos ni Kristo ay pumunta sa lugar na walang kaseguruhan.
Sinunod ni Pedro si Hesus. At nagulat siya sa dami ng kanyang huli.
Ang misyon ay paglayo sa pampang - sa safe side - ng ating buhay upang tahakin ang mahirap pero mabungang aspeto ng paglilingkod. Sa 'laot' ng pagkikisangkot, kailangang isuko natin ang kinamihasnang aliw at alwan ng buhay.
Walang kuryente, wifi, cable; mahirap ang pera at sasakyan sa malalayong lugar. Ngunit kung matatakot tayong tumungo sa mga di pamilyar na pook, higit na marami ang makakaligtaan sa laylayan ng lipunan.
Hindi totoong madami ang mga "taong Simbahan." Ang pawang nakikita lang natin sa paligid ay ang mga nasa "pampang." Higit na marami pa ang nasa 'laot.' Sila man ay nananabik ding mapasama sa lambat ng Panginoon.
*Huwebes sa Ikadalawampu't dalawang Linggo ng Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|