Sa Isang Salita: 'Buo' ni Msgr. Noel
04 September 2022
 
Hindi pwede sa isang Kristiyano ang half-hearted. Kapag wagas ang pagmamahal, walang kahati ang puso. Buo ang loob. Walang pasubali at alinlangan.

Sa pagsunod, hindi sapat ang "gusto ko." Ang dapat ay "kaya ko." Bakit? Sapagkat hindi lang pangako sa salita ang pananalig. Kasama nito ang buong buhay, lakas, panahon atbp. 24/7. Walang part-time Christian. Lahat ay handang ialay.

Inihalintulad ito ng ebanghelyo sa isang tao na may balak magpatayo ng tore. Dapat napag-isipan niyang mabuti at natantya kung magkakasya ang kanyang resources para maipatapos ito.

Gayundin sa buhay-Kristiyano. Sa sandaling magpasya tayo para kay Kristo, buong buhay - lahat ng resources at enerhiya na mayroon tayo - ay kaya nating ilaan para pangatawanan ang buhay na ating pinasok. Bigay-todo ang pagpapaka-Kristiyano.. hanggang 'finish line.'

Ganito ang kabanalan ng Buhay-Katiwala. Dahil nananalig tayo sa Diyos na pinagmulan ng lahat, handa tayong maglaan ng panahon, magbahagi ng talino at yaman, magbigay-saksi sa pananampalataya, at mangalaga ng kalikasan.

Akma sa ating pagninilay ang panalanging ito ni San Ignacio:

"Pinakamamahal na Panginoon, turuan mo akong maging bukas-palad. Sa Iyo'y maglingkod ng karapat-dapat; magbigay 'wag sa gugol masindak. Makibaka't huwag mag-inda ng sugat; magsikap at hindi pahinga ang hanap; gumawa at h'wag maghintay ng bayad, maliban na lamang sa gunitang hanap, na kalooban Mo'y aking ginaganap... Amen.

*Ikadalawampu't tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN