 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Tanging Ina' ni Msgr. Noel |
| 08 September 2022 |
| |
|
Sa kanyang ecology encyclical na "Laudato Si," ipinahayag ni Papa Francisco: si Maria ang Inang kumalinga kay Hesus mula sa sabsaban hanggang sa Kalbaryo. Sa ating panahon, kinakalinga niya nang may maka-inang paglingap ang ating sugatang daigdig. Kung paano niya tinangisan noon ang kanyang Anak na naghihirap sa Krus, ngayon ay tinatangisan niya ang kalikasan at ang mga dukha na naghihirap sanhi ng pag-aabuso at pagsasamantala ng tao.
Sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, ang ating Mahal na Ina ang ating huwaran ng aktibong pakikisangkot sa pagpapanumbalik ng kaayusan ng sangnilikha, na sinugatan ng kasalanan ng kasakiman at pagkamakasarili.
Ngayong kaarawan ni Maria, Ina ni Hesus at Ina ng Simbahan, hilingin natin sa kanya na ipanalangin ang ating lipunan upang magawa nating gamitin at pangalagaan ang mga nilikha sa daigdig nang may panlipunang pananagutan, na tutugon sa hamon ng ating panahon.
Tulad ng Mahal na Birhen na nanatiling kaugnay ni Hesus hanggang sa paanan ng Krus, nawa'y manindigan din tayo laban sa lahat ng gawaing sumisira sa sangnilikha ng Diyos.
"Magtalaga tayo ng sarili sa pangangalaga ng kalikasan at ng mga dukha, at magpunyagi upang maganap ang Paghahari ng Diyos kung saan ay umuunlad ang buhay ng bawat tao sa isang luntian at saganang tahanan ng lahat." (Statement of the Diocese of Lucena against Coal Plants in the Province of Quezon, August 2020)
*Setyembre 8, Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|